Idinaos Setyembre 24 hanggang 28, 2024 sa lunsod Nanning, punong lunsod ng Rehiyong Awtonomo ng Lahing Zhuang ng Guangxi, dakong timog ng Tsina, ang Ika-21 China-ASEAN Expo (CAEXPO) at China-ASEAN Business and Investment Summit (CABIS).
Kalahok dito ang delegasyong Pilipino na kinabibilangan ng mga Pilipinong opisyal ng iba’t-ibang departmento at mga negosyante mula sa 15 kompanyang Pilipino na tampok sa iba’t-ibang larangan.
Sa eksklusibong panayam ng China Media Group – Filipino Service (CMG-FS) kay Jaime “Ka Jimi” FlorCruz, Embahador ng Pilipinas sa Tsina, ibinahagi niyang palagiang sumasali sa taunang CAEXPO ang Pilipinas dahil ito ang isa sa mga pinakamalaki at pinaka-importanteng kaganapang pangkalakalan sa Tsina.
Pumarito aniya sa Nanning ang mga opisyal ng embahada at konsulado ng Pilipinas sa Tsina para buong tatag na tulungan ang mga negosyanteng Pilipino na makasali sa CAEXPO.
Iba-iba ang kanilang mga larangan ng ipinagbibili, halimbawa, pagkain, inumin, fabric o mga kasuotan, wellness, at iba pa, dagdag pa niya.
Sinabi niyang ang pagsali ng Pililpinas sa kaganapang ito ay importante dahil naipapakita rito ang mga kompanyang Pilipino para magkaroon ng B2B engagements.
Noong nakaraang taon, may ilang kompanyang Pilipino na hindi lamang nakapagbenta ng marami sa panahon ng kaganapan, kundi, nakakuha rin ng maraming order nitong buong taon, paliwanag niya.
Saad pa ni FlorCruz, gusto pang paramihin ng panig Pilipino ang mga kompanya na makapagbenta sa CAEXPO sa mga susunod na taon, dahil sa pamamagitan ng ekspong ito, mas maraming Pilipino na gaya ng mga magsasaka ng durian at kape, at mga magaling sa gawaing-kamay mula sa Bulacan at Cordillera, ay makakakuha ng tubo at trabaho, at makikinabang sa malawak at malalim na kalakalan ng Pilipinas sa Tsina.
Nanawagan din si FlorCruz sa lahat na patuloy na palawakin ang relasyong Pilipino-Sino.
Ayon sa DTI, umabot sa $US 49 na milyong dolyares ang negotiated sales ng delegasyong Pilipino sa Ika-21 CAEXPO ngayong taon, na pinakamalaki sa kasaysayan ng pagsali ng Pilipinas sa ekspong ito. Noong 2023, ang benta ng delegasyong Pilipino sa CAEXPO ay $US 10.19 na milyong dolyares.
Ayon naman sa pinakahuling datos na inilabas ng Ministri ng Komersyo ng Tsina sa Oktubre, 2024, mula noong 2009, 15 taong singkad na nananatili ang Tsina bilang pinakamalaking trade partner ng ASEAN.
Ulat/Video: Kulas
Pulido: Ramil/Jade
Espesyal na Pasasalamat: Embassador Jaime A. FlorCruz, PTIC-Guangzhou, PTIC-Beijing, DTI-CITEM, delegasyong Pilipino sa Ika-21 CAEXPO