Kooperasyon sa prutas, mahalaga para sa hinaharap ng relasyong Pilipino-Sino

2024-09-10 16:56:26  CMG
Share with:


Sa ilalim ng temang “World Fruit·China Market,” idinaos Agosto 28 hanggang 30, 2024 sa lunsod Shanghai, dakong silangan ng Tsina, ang 2024 China International Fruit Expo (CIFE).

 

Kalahok dito ang mahigit 260 kumpanya ng prutas mula sa 30 bansa’t rehiyon na kinabibilangan ng Pilipinas at Tsina.

 

Sa eksklusibong panayam ng China Media Group – Filipino Service (CMG-FS) kay Glenn G. Peñaranda, Commercial Counsellor ng Pasuguan ng Pilipinas sa Tsina, ipinahayag niyang ang CIFE ay isang mahalagang okasyon para mapasulong ang kalakalan ng prutas sa pagitan ng Pilipinas at Tsina.

 

Sinabi niyang ang Tsina ay isa sa mga pinakamalaking merkado para sa mga prutas ng Pilipinas, dahil mayroon itong malaking populasyon, at gusto ng mga Tsinong konsyumer ang mga sariwang tropikal na prutas, na kasama sa malusog na pamumuhay nila.

 

Dahil sa mabuting kalidad, ang mga tropikal na prutas mula sa Pilipinas ay naging bida sa naturang expo.

 

Ipinagpapasalamat ni Glenn ang malakas na interes ng mga Tsino sa mga prutas ng Pilipinas. Karamihan aniya sa mga prutas na iniluluwas ng Pilipinas sa Tsina ay saging, pinya, mangga at abokado.

 

Masayang masaya rin niyang binanggit na ang mga sariwang durian ng Pilipinas na nakapasok sa Tsina mula nakaraang taon ay patuloy na pumapasok sa merkadong Tsino sa kasalukuyan. Higit pa rito, dahil sa inaasahang masaganang ani ngayong taon, dadami pa ang mailuluwas na mga durian sa Tsina, dagdag pa niya.

 

Saad pa ni Peñaranda, ang kooperasyon sa prutas ay mahalaga para sa hinaharap ng relasyong bilateral ng Pilipinas at Tsina, hindi lamang sa pag-aangkat ng mga prutas, kundi rin sa pakikipagtulungan sa pagpaparami ng produksyon at pagpapaunlad ng value chain ng pagkain sa Pilipinas.

 

Bukas aniya ang buong proseso ng kadenang industriyal ng prutas ng Pilipinas na mula sa taniman hanggang sa pagpoproseso at marketing. Iniimbitahan niya ang mga kaibigang Tsino na makipagtulungan sa industriyang ito sa Pilipinas para ibayo pang palaguin ang kalakalan ng prutas ng dalawang bansa.

 

Nanawagan din si Glenn sa lahat ng mga Pilipino at mga kaibigan na patuloy na sumusuporta sa mga prutas ng Pilipinas.

 

 

Ulat/ Video: Kulas

Pulido: Ramil/ Jade

Espesyal na Pasasalamat: Glenn G. Peñaranda, Vicky Wang, China International Fruit Expo, Goodfarmer, Dole China