Kaugnay ng pag-aproba ng pagbebenta ng armas, Oktubre 26, 2024, ng Kagawaran ng Estado ng Amerika sa rehiyong Taiwan ng Tsina, na nagkakahalaga ng higit US$1.9 bilyong dolyar, hinimok ng Ministring Panlabas ng Tsina ang Amerika na agarang itigil ang pagkakaloob ng sandata sa Taiwan.
Dagdag nito, ito ay isang mapanganib na aksyong sumasabotahe sa kapayapaan at katatagan sa Kipot ng Taiwan.
Anang ministri, ang nasabing pagbebenta ng sandata ay grabeng lumalabag sa prinsipyong isang-Tsina at tatlong magkasanib na komunike ng Tsina at Amerika, lalung-lalo na sa komunike na inilabas ng dalawang bansa noong Agosto 17, 1982.
Ito rin ay paglapastangan sa soberanya at kapakanang panseguridad ng Tsina, pagsira sa relasyong Sino-Amerikano, banta sa kapayapaan at katatagan sa Kipot ng Taiwan, at maling senyal sa mga separatistang puwersang nagsusulong ng “pagsasarili ng Taiwan,” dagdag ng ministri.
Matindi anitong kinokondena at matatag na tinututulan ng Tsina ang pagbebenta ng sandata ng Amerika sa Taiwan, at iniharap na ng panig Tsino ang solemneng representasyon sa panig Amerikano.
Binigyang-diin ng ministri, na ang naturang aksyon ng Amerika, na bahagi ng tangkang pagpigil sa pag-unlad ng Tsina; at pagtataguyod ng “pagsasarili ng Taiwan” ay taliwas sa pangako ng mga lider na Amerikano na hindi susuportahan ang “pagsasarili ng Taiwan” at magsisikap na patatagin ang relasyon sa Tsina.
Isasagawa anito ng Tsina ang mga katugong hakbangin, at ipagtatanggol ang soberanya, seguridad, at kabuuan ng teritoryo ng bansa.
Editor: Liu Kai
Pulido: Rhio Zablan