Kaso sa labis na taripa sa mga de-kuryenteng sasakyan, isinampa ng Tsina laban sa EU

2024-10-30 15:28:37  CMG
Share with:

Inilabas, Oktubre 29, 2024 ng Unyong Europeo (EU) ang resulta ng imbestigasyon nito sa subsidiya ng mga de-kuryenteng sasakyan ng Tsina, at ayon dito, kailangang patawan ng karagdagang taripa ang mga de-kuryenteng sasakyang yari sa Tsina.

 

Kaugnay nito, ipinahayag ngayong araw, Oktubre 30, 2024 ng Ministri ng Komersyo (MOC) ng Tsina, na ang nasabing imbestigasyon ay di-makatuwiran, labag sa mga tadhana, at hindi ito tatanggapin ng panig Tsino.

 

Anang ministri, sinampahan na ng kaso ng Tsina ang EU, sa ilalim ng balangkas ng World Trade Organization (WTO), at patuloy na gagamitin ang mga hakbangin para pangalagaan ang lehitimong karapatan ng mga bahay-kalakal ng bansa.

 

Sa kasalukuyan, isinasagawa ng Tsina at EU ang bagong pagsasanggunian hinggil sa kasong ito, at palagiang iginigiit ng panig Tsino ang paglutas sa mga hidwaan sa kalakalan, sa pamamagitan ng diyalogo at pagsasanggunian, dagdag ng MOC.


Umaasa anitong agad mararating ang plano ng kalutasan na katanggap-tanggap ng dalawang panig para maiwasan ang paglalala ng hidwaang pangkalakalan.


Salin: Ernest

Pulido: Rhio