Muling kumalat kamakailan sa mga media at ahensya ng intelihensya ng Amerika ang di-umano’y pang-eespiya ng Tsina, at pag-atake ng mga hacker na Tsino sa network ng komunikasyon ng bansa.
Pero, sa nasabing mga ulat, kapansin-pansing walang nabanggit na mapagkakatiwalaang basehan.
Kaya masasabing, layon lamang ng mga ito na pasiglahin ang atmospera ng di-pagtitiwala ng lipunang Amerikano sa Tsina, at mapalakas ang komong paniniwala ng mga Amerikano sa pakikipagkompetisyon at pakikipagkomprontasyon sa Tsina.
Nauna rito, madalas ding kumakalat sa Amerika ang hinggil sa di-umano’y banta ng mga espiyang Tsino at pag-aresto sa mga dalubhasang Tsino-Amerikano dahil sila di-umano’y espiya ng pamahalaang Tsino.
Sa katotohanan, walang mahanap na ebidensya ang Departamento ng Hustisya ng Amerika, na magpapatunay sa naturang mga alegasyon.
Ang mga ito ay malubhang nakakapinsala sa normal na pagpapalitan at kooperasyon ng dalawang bansa.
Para magkamit ng sariling benepisyo at maisulong ang layuning pampulitika, hindi pa rin itinitigil ng mga pulitikong Amerikano ang pagpapakalat ng usapin hinggil sa di-umano’y pang-eespiya ng Tsina.
Samantala, ang Tsina ay palaging pangunahing target ng pang-eespiya ng Amerika sa pamamagitan ng Internet.
Noong 2013, isinapubliko ni Edward Snowden, dating miyembro ng Central Intelligence Agency (CIA), ang pagmo-monitor ng Amerika sa ibang bansang kinabibilangan ng mga kaalyado.
Nitong ilang taong nalakipas, madalas ding ino-organisa ng Amerika ang mga hacker para salakayin ang website ng mga organong Tsino at nakawin ang mahahalagang impormasyon.
Kaya, ang Amerika ang tunay na imperyo ng mga hacker.
Salin: Ernest
Pulido: Rhio