Sa kanyang pakikipagtagpo Lunes, Nobyembre 4, 2024 sa Shanghai kay Olzhas Bektenov, Punong Ministro ng Kazakhstan na kalahok sa Ika-7 China International Import Expo (CIIE), inihayag ni Premyer Li Qiang ng Tsina ang kahandaang kasama ng panig Kazakh, ipatupad ang mahahalagang komong palagay ng mga lider ng dalawang bansa, walang humpay na palalimin ang pagtitiwalaang pulitikal, buong tatag na suportahan ang isa’t isa sa mga isyung may kinalaman sa sarili nilang nukleong interes, at tuluy-tuloy na palawakin ang kooperasyong may mutuwal na kapakinabangan.
Tinukoy ni Li na kailangang magkasamang magpunyagi ang kapuwa panig para sa matagumpay na pagtataguyod ng “Taon ng Turismo ng Tsina” sa Kazakhstan, palakasin ang kooperasyon sa kultura, edukasyon, sub-national at iba pang larangan, at pahigpitin ang pag-uunawaan at pagkakaibigan ng kani-kanilang mga mamamayan.
Kasama ng panig Kazakh, nakahanda aniya ang panig Tsino na pahigpitin ang koordinasyon sa mga multilateral na balangkas na gaya ng United Nations (UN), Shanghai Cooperation Organization (SCO), mekanismo ng Tsina at Gitnang Asya, at iba pa.
Inihayag naman ni Bektenov ang kahandaang pag-ibayuhin ang pagpapalitan sa mataas na antas, at palalimin ang kooperasyon sa mga larangang kinabibilangan ng kalakalan, pamumuhunan, agrikultura, transportasyon, teknolohiya, kultura, edukasyon at iba pa.
Aniya, winewelkam ng Kazakhstan ang pamumuhunan ng mga kompanyang Tsino, at nakahandang palakasin ang pakikipag-ugnayan at pakikipagkoordina sa panig Tsino sa mga multilateral na balangkas na gaya ng SCO at mekanismo ng Tsina at Gitnang Asya.
Pagkatapos ng pagtatagpo, magkasamang sinaksihan nila ang paglagda ng kaukulang dokumentong pangkooperasyon.
Salin: Vera
Pulido: Ramil / Lito