Sa hindi kalayuang panahon, lalakbayin ko ang probinsya ng Sichuan. Ang paglilibot sa iba't ibang magagandang tanawin ay isa sa aking motibo, ngunit ang aking pinakalayunin sa paglalakbay na ito ay upang obserbahin ang bayan ng Wenchuan at mga karatig bayan nito sa Sichuan matapos mataamaan ng matinding kalamidad noong 2008.
Ang Wenchuan County ay ang sentro at isa pinakaapektadong lugar sa naganap na 8.0 magnitude na lindol na binansagang "Wenchuan Earthquake" noong Mayo 12, 2008. 15,941 ang naitalang nasawi sa Wenchuan county lamang habang 34,583 ang nasaktan at madami ay hindi na nahanap o natukoy.Tinayang umabot sa $20 bilyon dolyares ang pinsalang idinulot ng kalamidad at $75 bilyon dolyares ang mawawala sa ekonomiya ng Tsina.
Matapos maganap ang kalamidad na ito, ipinangako ng pamahalaan ng Tsina na gagastos ito ng 1 trillion yuan o $146.5 bilyon sa panahong iyon sa tatlong taong hinaharap upang muling itayo, ayusin, pagandahin ang mga nasalantang lugar.
Sa aking paglalakbay, isasalaysay ko sa inyo ang aking mga nakita, aking mga naramdamang mga pagbabago sa kaaligiran, aalamin ko din ang mga pagbabago sa pamumuhay ng mga local na residente matapos maganap ang lindol at matapos maiangat muli ang ekonomiya ng bayan ng Wenchuan at mga karatig bayan nito ng probinsyang Sichuan.
|