Nakuha kahapon ni Edward Snowden, tagapagbunyag ng "PRISM" project ng Estados Unidos (E.U.), ang isang taong pansamantalang asylum sa Rusya. Ayon sa panig Rusyo, hindi ito makakaapekto sa relasyon ng Rusya at E.U.
Sinabi naman kahapon ni Jay Carney, Tagapagsalita ng White House, na ikinalulungkot ng E.U. ang pagkakaloob ng Rusya ng asylum kay Snowden. Aniya, ang aksyong ito ay sumira sa pangmatagalang kooperasyon ng E.U. at Rusya sa pagsasagawa ng batas. Dagdag pa ni Carney, dahil sa nasabing pangyayari, muling isasaalang-alang ng kanyang bansa ang pagdaraos ng summit ng mga lider ng dalawang bansa, na nakatakdang idaos sa susunod na Setyembre. Inulit ni Carney ang paninindigan ng E.U. na hindi lamang isang tagapagbunyag si Snowden, kinakaharap din niya ang tatlong kaso. Ayon pa kay Carney, dapat ipadala agad si Snowden sa E.U. upang litisin. Sinabi rin ni Carney, na bibigyan si Snowden ng angkop na proteksyon.
Salin: Andrea