Nanawagan kahapon si Natsuo Yamaguchi, Puno ng New Komeito Party, kaalyado ng naghaharing Liberal Democratic Party (LDP) ng Hapon sa mga opisyal na Hapones na huwag magbigay-galang sa Yasukuni Shrine, kung saan nakadambana ang 14 na class A war criminal noong World War II (WWII).
Sinabi ni Yamaguchi na noong araw, may naganap na alitang diplomatiko sa pagitan ng Hapon at ibang bansa, bunsod ng pagbibigay-galang ng mga opisyal na Hapones sa Yasukuni Shrine. Binigyang-diin niyang sa kasalukuyan, buong-sikap na pinapabuti ng Hapon ang relasyon nito sa mga kapitbansa, kaya, dapat buong-talinong harapin ang usaping ito.
Ipinahayag naman kahapon ni Punong Ministro Shinzo Abe ng Hapon na hindi siya sigurado kung magbibigay-galang siya sa Yasukuni Shrine sa darating na ika-15 ng Agosto, na siya ring okasyon ng ika-68 anibersaryo ng pagsuko ng Hapon noong WWII. Ipinahiwatig din niyang hindi niya pipigilin ang mga miyembro ng kanyang Gabinete kung magbibigay-galang sila sa Yasukuni Shrine bilang karaniwang mamamayan.
Nauna rito, naiulat na magbibigay-galang sa Yasukuni Shrine ang mga miyembro ng Gabineteng Hapones na kinabibilangan nina Furuya Keiji, Tagapangulo ng National Public Safety Commission, Tomomi Inada, State Minister for Administrative Reforms at Sanae Takaichi, Puno sa Patakaran ng LDP.
Salin: Jade