Sinabi kahapon ng Ministring Panlabas ng Syria, na pinahihintulutan ng pamahalaan ang grupong tagapagsiyasat ng UN na pumunta sa karatig na purok ng Damascus, para imbestigahan ang pinakahuling napabalitang paggamit di-umano ng sandatang kemikal noong ika-21 ng buwang ito.
Kinumpirma naman ni Pangkalahatang Kalihim Ban Ki-moon ng UN ang pahayag ng Ministring Panlabas ng Syria. Aniya, nakatakdang simulan ngayong araw ang imbestigasyon.
Sa isang may kinalamang ulat, nag-usap kahapon sa telepono sina Pangulong Barack Obama ng Estados Unidos at Pangulong Francois Hollande ng Pransya, para koordinahin ang kanilang reaksyon sa isyu ng paggamit ng sandatang kemikal sa Syria. Ayon sa White House, kapwa nagpahayag ang dalawang pangulo ng lubos na pagkabahala hinggil sa napabalitang paggamit ng pamahalaan ng Syria ng sandatang kemikal laban sa mga sibilyan noong ika-21 ng buwang ito, sa karatig na purok ng Damascus. Ayon naman sa Palasyong Pampanguluhan ng Pransya, sinabi rin ni Hollande kay Obama, na ipinakikita ng lahat ng mga impormasyon na ang pamahalaan ng Syria ang may-kagagawan ng naturang pangyayari.
Pero, sinabi nang araw ring iyon ng Ministring Panlabas ng Rusya, na dapat hintayin ang resulta ng pagsisiyasat ng UN sa nasabing isyu. Anito, ang padalus-dalos na paggawa ng konklusyon hinggil sa paggamit ng pamahalaan ng Syria ng sandatang kemikal ay maaring magdulot ng malaking kamalian.
Salin: Liu Kai