Sa Nanning, Guangxi ng Tsina—idaraos dito ang ika-10 China ASEAN Expo o CAExpo mula ika-3 hanggang ika-6 ng susunod na buwan. Ang kasalukuyang taon ay ika-10 anibersaryo ng pagdaraos ng ekspong ito at China ASEAN Business and Investment Summit. Nang kapanayamin kamakailan ng mamamahayag, sinabi ni Zheng Junjian, Pangkalahatang Kalihim ng Sekretaryat ng CAExpo, na nitong nakalipas na 10 taon, ang pinakamahalagang papel ng CAExpo ay pinagsama-sama nito ang Tsina at ASEAN sa isang kabuuan para makipagtulungan sa ibang organisasyong pangkabuhayan sa dagidig. Bilang isang plataporma ng pagtitipun-tipon ng mga bentahe ng Tsina at ASEAN, pinalakas ng CAExpo ang impluwensiya at kakayahang kompetetibo ng Tsina at ASEAN sa pandaigdig na kayariang pangkabuhayan.
Ani Zheng, di-tulad ng ibang eksibisyon, pinasulong ng CAExpo ang kooperasyong pangkabuhaya't pangkalakalan, pagpapalitang pangkaibigan at integrasyong panlipunan ng Tsina at ASEAN. Ibig sabihin, sa pamamagitan ng naturang ekspo, nakahanap ang Tsina at ASEAN ng mas maraming komong interes at pagkakaunawaan.
Dagdag pa niya, katangi-tangi ang papel ng CAExpo. Nakapagpasulong ito sa pag-unlad ng kabuhayan sa pagitan ng Tsina at ASEAN sa pamamagitan ng mga aktibidad na pulitikal at diplomatiko; sa gayon, ang ganitong pag-unlad ng kabuhayan ay nakapagpahigpit sa pagpapalitang pangkaibigan sa pagitan ng iba't ibang bansa.
Ang mga nagdaang CAExpo ay nilahukan ng mga lider ng Tsina at mga bansang ASEAN. Isinagawa ng kapuwa panig ang malawakang diyalogo at idinaos ang mahigit 100 porum sa mga larangang gaya ng adwana, superbisyon sa kalidad, pinansya, logistics at iba pa. Salamat sa mga porum na ito, nabuo ng Tsina at ASEAN ang mainam na mekanismo sa mga aspektong gaya ng customs clearance, logistics, at quality supervision.
Sa tingin ni Cham Prasidh, Ministro ng Komersyo ng Kambodya, ang CAExpo ay isang napakatibay na tulay na nakakapagpasulong sa kalakalan at bilateral na relasyon ng Tsina at ASEAN. Sinabi naman ni Iskandar Sarudin, Embahador ng Malaysia sa Tsina, na pinasulong ng CAExpo ang pag-unlad ng China ASEAN Free Trade Area, at pinataas ang katayuan ng rehiyong ito sa arenang pandaigdig.