Hinggil sa CRIHinggil sa Serbisyo Filipino
   

Premyer Tsino, nakipagtagpo sa mga lider ng ASEAN na kalahok sa CAExpo

(GMT+08:00) 2013-09-03 09:41:28       CRI

Magkakahiwalay na kinatagpo kahapon sa Nanning, Guangxi, ni Premyer Li Keqiang ng Tsina sa mga lider ng mga bansang ASEAN na kalahok sa kasalukuyang idinaraos na Ika-10 China-ASEAN Expo (CAExpo) at Ika-10 China-ASEAN Business and Investment Summit (CABIS). Kabilang sa mga panauhing ASEAN ay sina Pangalawang Punong Ministro Teo Chee Hean ng Singapore, Punong Ministro Yingluck Shinawatra ng Thailand, Punong Ministro Hun Sen ng Kambodya, Punong Ministro Thongsing Thammavong ng Laos, Pangulong Thein Sein ng Myanmar, at Punong Ministro Nguyen Tan Dung ng Biyetnam.

Sa kanyang pakikipagtagpo kay Pangalawang Punong Ministro Teo Chee Hean ng Singapre, ipinahayag ng premyer Tsino ang pagpapahalaga ng Pamahalaang Tsino sa relasyon nila ng Singapore. Nakahanda aniya ang Tsina na pasulungin ang bilateral na pagtutulungan sa inobasyong panteknolohiya, ekolohikal na pangangalaga sa kapaligiran, pinansya, at pangangasiwa sa lipunan.

Ipinahayag naman ng Pangalawang Punong Ministro ng Singapore na ang katatapos na pagdalaw ni Punong Ministro Lee Hsien Loong ay ibayo pang nagpapasulong ng relasyong Sino-Singaporeano. Nakahanda aniya ang Singapore na palalimin ang naturang bilateral na relasyon.

Sa kanya namang pakikipag-usap kay Punong Ministro Yingluck Shinawatra ng Thailand, sinabi ng premyer Tsino na sa kasalukuyan, pumasok na sa pinakamagandang panahon ng pag-unlad ang komprehensibong estratehikong partnership na pangkooperasyon ang Tsina't Thailand. Umaasa aniya ang Tsina na ibayo pang mapapasulong ang kanilang pagtutulungan sa imprastruktura, enerhiya at likas na yaman. Umaasa rin aniya ang Tsina na mapapatingkad ng Thailand ang papel nito bilang bansang tagapagkoordina ng Tsina't ASEAN, para mapasulong ang relasyong Sino-ASEAN.

Ipinahayag naman ni Yingluck ang mainit na pagtanggap sa paglalakbay sa Thailand ng mga turistang Tsino at sa pamumuhunan ng mga bahay-kalakal na Tsino. Nakahanda rin aniya ang Thailand na ibayo pang pasulungin ang relasyong Sino-ASEAN.

Sa kanyang pakikipagtagpo kay Punong Ministro Hun Sen ng Kambodya, binati ni Premyer Li ang tagumpay kamakailan ng People's Party sa halalan ng Kambodya. Bilang estratehikong partner ng Kambodiya, nakahanda ang Tsina na pasulungin ang pagtutulungan ng dalawang bansa sa kalakalan, pamumuhunan, konstruksyon ng imprastruktura, agrikultura, pagsasanay sa tao at iba pa.

Ipinahayag naman ni Hun Sen na palaging nananatiling mapagkakatiwalaang kaibigan ng Kambodya ang Tsina at nakahanda ang Kambodiya na ibayo pang mapataas ang relasyon ng dalawang bansa.

Sa kanya namang pakikipag-usap kay Punong Ministro Thongsing Thammavong ng Laos, sinabi ng Premyer Tsino na sa ilalim ng kasalukuyang situwasyong panrehiyon at pandaigdig, umaasa ang Tsina na mapapayaman nila ng Laos ang kanilang komprehensibong estratehikong partnership na pangkooperasyon para mapabilis ang kanilang pagtutulungan sa transportasyon, enerhiya at agrikultura. Umaasa rin aniya ang Tsina na mapapatingkad ng Laos ang papel nito sa pagpapasulong ng relasyong Sino-ASEAN.

Ipinahayag naman ni Thongsing na may mahalagang katuturan ang pagtutulungang Sino-Lao sa pag-unlad ng kabuhayan at lipunan ng Laos. Nakahanda aniya ang Laos na patingkarin ang papel nito sa pagpapalalim ng relasyong Sino-ASEAN.

Sa kanyang pakikipag-usap kay Pangulong Thein Sein ng Myanmar, ipinahayag ng Premyer Tsino na sa ilalim ng kasalukuyang pasalimuot nang pasalimuot na kalagayang panrehiyon at pandaigdig, may estratehikong katuturan ang pagpapalakas ng pagkakaibigan ng Tsina't Myanmar. Nakahanda aniya ang Tsina na buong-sikap na pasulungin ang pagpapatupad sa mga pangunahing proyektong pangkooperasyon ng dalawang bansa para makinabang dito ang mga mamamayan ng kapuwa bansa.

Ipinahayag naman ni Pangulong Thein Sein ang pasasalamat sa suportang ibinibigay ng Tsina sa Myanmar. Aniya pa, bilang susunod na bansang tagapangulo ng ASEAN, nakahanda ang Myanmar na ibayo pang pasulungin ang relasyong Sino-ASEAN.

Sa kanya namang pakikipag-usap kay Punong Ministro Nguyen Tan Dung ng Biyetnam, sinabi ng Premyer Tsino na ang paglahok ni Punong Ministro Nguyen sa CAExpo sa Pambansang Araw ng Kasarinlan ng Biyetnam ay nagpapakita ng pagpapahalaga ng panig Biyetnames sa relasyong Sino-Biyetnames at relasyong Sino-ASEAN. Aniya, umaasa ang Tsina na mapapahigpit ang pagtitiwalaang pulitikal ng dalawang bansa at mapapasulong ang kanilang pagtutulungang panlupa at pandagat. Kaugnay ng isyu ng South China Sea, umaasa ang premyer Tsino na mapapasulong ng Tsina't Biyetnam ang kanilang diyalogo, tumpak na mahahawakan ang pagkakaiba at buong-sikap na gagawing pagkakataong pangkooperasyon ang mga hamon.

Ipinahayag naman ng punong ministro ng Biyetnam ang pasasalamat sa ibinibigay na suporta sa kanyang bansa ng panig Tsino. Nakahanda aniya ang Biyetnam na pasulungin ang pagtitiwalaang pulitikal at lutasin ang pagkakaibang pandagat sa pamamagitan ng mapagkaibigang pagsasanggunian.

Salin: Jade

May Kinalamang Babasahin
Comments
Nagbabagang Paksa
Kompetisyon ng Talento at Kakayahan para sa mga Tagasubaybay sa Buong Daigdig
Pinakahuling Balita
Napiling Artikulo
SMS sa CRI sa 09212572397
6391853476XX: Gusto ko lang mag-hello sa paborito kong istasyon sa SW--ang China Radio International at sa lahat ng announcers ng Filipino Service. Nasa tabi niyo ako lagi.
6392199353XX: Salamat sa Gabi ng Musika at Pop China at sa buong Serbisyo Filipino. Solved ako sa mga padala ninyong CD at DVD ng Chinese Artists.
92041552XX: Happy Easter sa buong staff ng Filipino Service!
6392092449XX: Inspirado ako ngayong makinig sa inyong transmission dahil maganda lagi ang quality ng signal. Thank you for communicating with me via SMS.
6391658006XX: Hello CRI! I would like to give a reception report of CRI Serbisyo Filipino on July 29, 1130-1200 UTC at 12.110 MgHz shortwave listening from Clark, Angeles City, Pampanga. Sinpo: 55443. Lagi akong sumasali sa inyong pakontes at laging akong makikinig. Hope my report would be acknowledged by QSL card. Salamat.
More>>