|
||||||||
|
||
Binuksan kaninang umaga ang Ika-10 China-ASEAN Expo(CAEXPO)at China-ASEAN Business at Investment Summit(CABIS) sa Nanning, Kabisera ng Guangxi, Zhuang Autonomous Region ng Tsina. Dumalo sa seremonya ng pagbubukas ang mga lider ng Tsina at mga bansang ASEAN, na kinabibilangan ng Myanmar, Kambodya, Laos, Thailand, Vietnam, at Singapore.
Sa kanyang talumpati sa seremonya ng pagbubukas, binigyang-diin ni Premyer Li Keqiang ng Tsina, na mahalaga ang pagpapalakas ng kooperasyon ng Tsina at ASEAN. Ang kooperasyong ito aniya'y nangangahulugan ng pagtutulungan ng isa't isa, at pakikinabang sa isa't isa.
Sinabi ni Li na umaasa siyang magsisikap ang Tsina at ASEAN para mapataas ang pamantayan ng malayang sonang pangkalakalan ng dalawang panig at kanilang kooperasyon sa iba't ibang larangan. Dapat palawakin ng dalawang panig ang saklaw ng malayang kalakalan, at bawasan pa ang taripa para mabigyang-ginhawa ang kanilang kalakalan at pamumuhunan, dagdag pa niya.
Ipinahayag din ni Li na daragdagan ng Tsina ang pag-aangkat mula sa ASEAN, at lalagda sila sa pangmatagalang kasunduang pangkalakalan ng mga produktong agrikultural. Aniya, inaasahang aabot sa isang trilyong dolyares ang kabuuang halaga ng kalakalan ng dalawang panig, at 150 bilyong dolyares naman ang kabuuang halaga ng pamumuhunan sa 2020. Aniya, ang ASEAN ay magsisilbing priyoridad ng pamumuhunan ng Tsina sa labas ng bansa.
Nang mabanggit ang isyu ng South China Sea, binigyang-diin ng Premyer Tsino na bilang responsableng bansa sa daigdig, umaasa itong direktang mag-uusap ang mga may kinalamang panig para maayos na lutasin ang nasabing isyu batay sa katotohanang pangkasaysayan at mga pandaigdigang batas.
Sinabi rin niya na ang paggiit sa mapagkaibigang patakaran sa ASEAN ay hindi lamang nagsisilbing priyoridad na pangkaunlaran ng Tsina, kundi maging sa pangmatagalan nitong estratehiya. Aniya, positibo ang Tsina, tulad ng dati, sa pag-unlad ng ASEAN at pangunahing papel nito sa rehiyong Silangang Asya.
Dagdag pa ng Premyer Tsino, sa harap ng bagong simula ng kasaysayan, umaasa siyang patuloy pang mapapasulong ng Tsina at ASEAN ang kanilang estratehikong partnership batay sa pagpapalakas ng pagtitiwalaang pampulitika, pagtataguyod ng bukas at inklusibong ideya at pagpapalalim ng kanilang pragmatikong kooperasyon.
| ||||||
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |