Magkakahiwalay na kinatagpo kahapon sa Nanning, Guangxi, ni Premyer Li Keqiang ng Tsina sa mga lider ng mga bansang ASEAN na kalahok sa kasalukuyang idinaraos na Ika-10 China-ASEAN Expo (CAExpo) at Ika-10 China-ASEAN Business and Investment Summit (CABIS). Kabilang sa mga panauhing ASEAN ay sina Pangalawang Punong Ministro Teo Chee Hean ng Singapore, Punong Ministro Yingluck Shinawatra ng Thailand, Punong Ministro Hun Sen ng Kambodya, Punong Ministro Thongsing Thammavong ng Laos, Pangulong Thein Sein ng Myanmar, at Punong Ministro Nguyen Tan Dung ng Biyetnam.
Nang mabanggit ang relasyong Sino-ASEAN, ipinahayag ng Premyer Tsino na nitong 10 taong nakalipas sapul nang itatag ang estratehikong partnership ng Tsina't ASEAN, masasabing nagsisilbing modelo ng mapagkaibigang pagtutulungang pangkapitbansa ang dalawang panig. Ipinagdiinan ni Premyer Li na ang pagpapahigpit ng estratehikong pakikipagtulungan sa ASEAN ay di-nagbabagong patakaran ng kasalukuyang Pamahalaang Tsino. Nakahanda aniya ang Tsina, kasama ng mga kasapi ng ASEAN, na iangat ang kanilang pagtutulungan sa Malayang Sonang Pangkalakalan ng Tsina't ASEAN o CAFTA, tumpak na hawakan ang mga pagkakaiba at pataasin ang relasyong Sino-ASEAN.
Ipinahayag naman ng mga lider ng ASEAN na ang komprehensibong pag-unlad ng relasyong Sino-ASEAN ay nagpapasulong ng kapayapaan, katatagan at kasaganaan ng rehiyon. Nakahanda rin anila silang pasulungin ang relasyong Sino-ASEAN sa mas mataas na antas.
Salin: Jade