Sa Vilnius, kabisera ng Lithuania—Nagpulong dito kamakalawa at kahapon ang mga Ministrong Panlabas ng 28 bansa ng Unyong Europeo o EU, para talakayin ang hakbangin sa pagharap sa insidente ng pang-aatake gamit ang sandatang kemikal ng Syria. Buong pagkakaisang kinondena ng mga kalahok na ministrong panlabas ang naturang insidente na naganap noong ika-21 ng nagdaang Agosto. Humiling sila sa Amerika at Pransya na huwag isagawa ang aksyong militar sa Syria bago lumabas ang ulat ng imbestigasyon ng United Nations. Hinimok din nila ang United Nations Security Council o UNSC na lutasin ang krisis ng Syria sa paraang pulitikal.
Sa magkasanib na pahayag ng naturang pulong, binigyang-diin ng mga ministrong panlabas na sa ilalim ng kasalukuyang kalagayan, ang paraang diplomatiko ang agarang kinakailangan. Anito, magkakaloob ang EU ng lahat ng mga pagkatig at tulong para sa pulitikal na paglutas sa krisis ng Syria.
Dumalo sa naturang pulong si John Kerry, Kalihim ng Estado ng Estados Unidos. Sa panahon ng pulong, hinikayat niya ang mga kaalyadong bansa sa Kanlurang Europa na kumatig at sumali sa aksyong militar laban sa Syria. Pero batay sa nabanggit na magkasanib na pahayag, nabigo ang kanyang pagsisikap.
Salin: Vera