Sa panahon ng 2013 Summer Davos Forum sa Dalian, probinsyang Liaoning, magkakahiwalay na nakipagtagpo kahapon si Premyer Li Keqiang ng Tsina kina Punong Ministro Elio Di Rupo ng Belgium, Punong Ministro Jyrki Kataine ng Finland, Punong Ministro Joseph Muscat ng Malta, at Pangalawang Punong Ministro Ali Babacan ng Turkey.
Sa pakikipagtagpo kay Di Rupo, nagpahayag si Li ng pag-asang magkasamang magsisikap ang Tsina at Belgium, para mapasulong ang pasilitasyon at liberalisasyon ng kalakalan at pamumuhunan ng Tsina at Europa.
Sa pakikipagtagpo naman kay Kataine, sinabi ni Li na dapat ibayo pang pasulungin ang bagong kooperatibong partnership ng Tsina at Finland.
Sa kanya namang pulong kay Muscat, ipinahayag ni Li ang kahandaan ng Tsina na pasulungin ang pakikipagtulungan sa Malta sa larangan ng kalakalan, pamumuhunan, enerhiya, imprastruktura, serbisyong pinansyal, at iba pa.
Sinabi naman ni Li kay Babacan, na pahihigpitin ng Tsina ang pakikipagpalagayan sa Turkey sa mataas na antas, para mapalalim ang relasyon ng dalawang bansa.
Salin: Liu Kai