Sa kanyang pakikipagtagpo kahapon sa Dalian sa mga mangangalakal na Tsino at dayuhan na kalahok sa 2013 Summer Davos Forum, ipinahayag ni Premyer Li Keqiang ng Tsina, na matatag, mataimtim, at mahinahong isasagawa ng kanyang bansa ang mga hakbangin bilang tugon sa presyur sa kabuhayan.
Sinabi ni Li na igigiit ng Tsina ang reporma, para mapanatili ang tuluy-tuloy at malusog na pag-unlad ng kabuhayan. Aniya, lilikha ang Tsina ng kapaligiran ng pamilihan na pantay-pantay ang kompetisyon, at patuloy na pasusulungin ang pagbubukas ng financial sector.
Para mapasulong ang paghahanapbuhay, sinabi ni Li na isasagawa ng Tsina ang proaktibong patakarang pang-empleyo sa mahabang panahon, at pananatilihin ang matatag na paglaki ng kabuhayan.
Kaugnay naman ng problema sa polusyon, sinabi ni Li na tatahak ang Tsina sa landas ng green growth, at buong higpit na pagsupil sa umiiral na polusyon.
Salin: Liu Kai