Sa Damascus — Sinabi dito kahapon ni Sergei Ryabkov, dumadalaw na Pangalawang Ministrong Panlabas ng Russian Federation, na ayon sa maraming ebidensyang ipinagkaloob ng Syria sa Rusya, ginamit minsan ng oposisyon ng Syria ang sandatang kemikal sa mga lugar malapit sa Damascus.
Sa isang news briefing idinaos nang araw ring iyon, sinabi ni Ryabkov na "napakahalaga ng ipinagkaloob na ebidensya ng Syria, at malinaw din ang mga ito."
Ayon sa ulat ng imbestigasyon na isinapubliko kamakailan ng UN, ipinakita nito na noong ika-21 ng nagdaang buwan, naganap sa loob ng Syria ang chemical weapons attack, ngunit hindi nito binanggit kung sino ang may kagagawan. Ipinahayag ni Pangkalahatang Kalihim Ban Ki-moon ng UN na nilabag ng mga gumamit ng sandatang kemikal ang pandaigdigang batas at maituturing itong "war crime."
Salin: Li Feng