Idinaos kahapon ng umaga (local time) sa New York ang espesyal na pulong ng ika-68 Pangkalahatang Asemblea ng United Nations (UN) hinggil sa proseso ng pagsasakatuparan ng Millennium Development Goals (MDG). Tinalakay ng mga kalahok ang ginawang pagsisikap ng komunidad ng daigdig sa aspekto ng pagpapatupad ng MDG. Dumalo at nagtalumpati sa naturang pulong si Ministrong Panlabas Wang Yi ng Tsina.
Noong Setyembre ng taong 2000, pinagtibay sa summit ng UN ang Millennium Declaration kung saan nagharap ng 8 target na dapat isakatuparan sa taong 2015. Ang naturang 8 target ay kinabibilangan ng pagpawi ng gutom, pagbabawas hanggang sa kalahati ng pinakamahihirap na populasyon sa buong mundo, pagpapalaganap ng pundamental na edukasyon, pagpapababa ng death rate ng mga kabataan at iba pa. Sa kasalukuyan, mahigit 2 taon na lang ang natitira bago sumapit ang deadline ng pagsasakatuparan ng MDG.
Sinabi sa pulong ni Ban Ki-Moon, Pangkalahatang Kalihim ng UN, na ang gawain ng pagsasakatuparan ng MDG ay nakatanggap ng pangako ng iba't ibang bansa at pagkatig ng komunidad ng daigdig. Ipinangako na ng iba't ibang pamahalaan, World Bank, mga pribadong bahay-kalakal at charity group na maglaan ng 2.5 bilyong dolyares na karagdagang pondo para sa pagpapasulong ng MDG. Aniya, kahit may malinaw na progreso, nangingibabaw pa rin ang kapansin-pansing agwat sa kondisyon ng pagpapatupad ng MDG sa iba't ibang bansa at rehiyon, at marami pang dapat gawin sa mga aspektong gaya ng kalusugan, edukasyon, kondisyong pangkalusugan at malinis na tubig.
Buong pagkakaisang ipinalalagay ng mga kalahok na ang pagsasakatuparan ng MDG ayon sa itinakdang iskedyul ay maglalatag ng mainam na pundasyon para sa kaunlaran ng buong daigdig pagkatapos ng taong 2015, at magsisilbing "upgraded version" ng MDG ang target na pangkaunlaran pagkatapos ng taong 2015.
Isinalaysay pa ni Ban na nagsisikap ang iba't ibang bansa, mga organisasyon at organo para maabot ang target ng pag-unlad sa pagtatapos ng taong 2015. Nananabik aniya ang UN na magkaloob ng pagkatig at tulong para rito. Ipinahayag naman ni Wang Yi na sa prosesong ito, dapat pakinggan ang palagay ng mga umuunlad na bansa, at igalang ang konkretong kalagayan ng iba't ibang bansa.