|
||||||||
|
||
Magkasamang dumalo kahapon sina dumadalaw na Pangulong Xi Jinping ng Tsina at Punong Ministro Najib Razak ng Malaysia sa China-Malaysia Economic Summit sa Kuala Lumpur.
Sa kanyang talumpati sa Summit, sinabi ni Pangulong Xi na nitong 39 taong nakalipas sapul nang itatag ang relasyong diplomatiko ng Tsina at Malaysia, lumalalim ang pagtutulungang may mutuwal na kapakinabangan ng dalawang bansa. Nitong apat na taong singkad, nananatiling pinakamalaking partner na pangkalakalan ng Malaysia ang Tsina samantalang limang taong singkad na ang Malaysia ay nagsisilbing pinakamalaking partner na pangkalakalan sa mga bansang ASEAN ng Tsina.
Ipinagdiinan ni Xi na sa kanyang pagdalaw, kapuwa sumang-ayon ang Tsina't Malaysia na i-angat ang bilateral na relasyon sa komprehensibong estratehikong partnership. Naitakda aniya nito ang mas magandang kinabukasan para sa pag-unlad ng ugnayang Sino-Malay.
Iniharap din ng pangulong Tsino ang sumusunod na mungkahi para mapasulong ang pagtutulungan ng dalawang bansa: una, palawakin ang bilateral na kalakalan para maisakatuparan ang 160 bilyong dolyares na target sa taong 2017; ikalawa, pasulungin ang pamumuhunan sa isa't isa; ikatlo, palawakin ang pagtutulungang pinansyal sa currency swap para maiwasan ang krisis na pinansyal; ikaapat, palalimin ang pagtutulungan sa pagtatanim at pagpoproseso ng natural na goma, makinariyang pang-agrikultura, at pangingisda; ikalima, magkasamang pasulungin ang pagtutulungang panrehiyon para makalikha ng bukas at inklusibong kapaligirang may win-win situation.
Kaugnay ng pag-unlad ng Tsina, binigyang-diin ni Pangulong Xi ang pananangan ng Tsina sa reporma't pagbubukas na nagtatampok sa pagtutulungan at magkakasamang kasaganaan. Dagdag pa niya, nakahanda ang Tsina na magbigay ng mas malaking ambag para sa kasaganaan ng Asya at buong daigdig.
Sa kanya namang talumpati, sang-ayon si Najib sa mga mungkahi ni Xi. Sinabi ni Najib na may mahigpit na kaugnayan ang magandang kinabukasan ng pag-unlad ng buong Asya sa pagsasakatuparan ng China Dream na nagtatampok sa kayamanan ng bansa at kaligayahan ng mga mamamayan. Umaasa aniya siyang sasamantalahin ng dalawang bansa ang mga pagkakataong dulot ng kanilang komprehensibong estratehikong partnership para mapalalim ang bilateral na pagtutulungan.
Tumayong-saksi rin sina Xi at Najib sa paglagda ng dalawang bansa sa isang serye ng mga kasunduang pangkooperasyon.
Salin: Jade
| ||||
| ||||
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |