Sa Bali Island, Indonesia — Kinatagpo dito kahapon ni Pangulong Xi Jinping ng Tsina si Punong Ministro Yingluck Shinawatra ng Thailand.
Sa pagtatagpo, ipinahayag ni Xi na may matatag na pundasyong pulitikal at ekonomiko ang relasyong Sino-Thai, napakalaki ng potensiyal ng pag-unlad ng relasyong ito, at mainam ang prospek. Aniya, lubos na pinahahalagahan ng Tsina ang pagpapaunlad ng relasyong pangkaibigan sa Thailand, at itinuturing ang Thailand bilang mahalagang partner sa rehiyong ito. Umaasa aniya ang Tsina na lubos na mapapatingkad ng Thailand ang papel bilang mahalagang tulay sa relasyong Sino-ASEAN, at aktibong mapapasulong ang pagtitiwalaan at pagtutulungang Sino-ASEAN para magkasamang mapangalagaan ang kasaganaan at katatagan ng rehiyong ito.
Ipinahayag naman ni Shinawatra na umaasa ang kanyang pamahalaan na mapapalakas ang pakikipagpalitan sa Tsina. Mahalaga ang pag-unlad ng kabuhayang Tsino para sa Thailand at buong ASEAN, aniya.
Salin: Li Feng