Ayon sa pinakahuling estadistika na ipinalabas noong nakaraang linggo ng Sekretaryat ng ASEAN, noong nakaraang taon, pinakamataas ang contribution rate ng industriya ng serbisyo sa paglaki ng kabuuang halaga ng GDP ng 10 bansang ASEAN. Ang contribution rate ng industriya ay nasa ikalawang puwesto, pero, unti-unting bumababa ang contribution rate ng agrikultura sa GDP nitong nagdaang 7 taon. Sa 10 bansang ASEAN, pinakamataas ang contribution rate ng industriya ng serbisyo ng Pilipinas sa GDP na umabot sa 56.9%. Pinakamababa ang Kambodya na umabot lamang sa 38.4%.
Ang sustenableng paglaki ng contribution rate ng industriya ng serbisyo ay naging pangunahing dahilan ng paglaki ng kabuhayan ng ASEAN. Sa karamihan ng mga economy ng ASEAN, ang contribution rate ng industriya at industriya ng serbisyo sa GDP ay lumampas sa 80%.
Sinabi ni Mohd Ridzal Sheriff, Deputy Secretary General ng Ministry of International Trade and Industry ng Malaysia, na kasabay ng pag-unlad ng kabuhayan ng iba't ibang bansa ng ASEAN, nagiging mas mahalaga ang industriya ng serbisyo at ito ay naging malaking bahagi ng GDP. Ipinahayag rin niyang sa kasalukuyan, nagsisikap ang ilang bansang ASEAN na may mataas na kita na tulad ng Singapore at Malaysia para paunlarin ang high-end service. Halimbawa, sa hinaharap, isasagawa ng Malaysia ang reporma sa industriya ng serbisyo para mapasulong ang pag-unlad ng ilang industriya ng serbisyo na tulad ng serbisyo ng legal consultation at iba pa.
Nitong ilang taong nakalipas, kasabay ng walang humpay na pagdaragdag ng proporsyon ng industriya ng serbisyo sa kabuhayan ng Malaysia, pinalawak ng pamahalaan ng Malaysia ang limitasyon sa pamumuhunan ng mga puhunang dayuhan. Sa ilang larangan ng industriya ng serbisyo na tulad ng telekomunikasyon, pagsasanay, taxation at iba pa, pinahihintulutan ang pagkuha ng puhunang dayuhan ng 100% na stocks. Bukod dito, ang patakarang preperensiyal sa buwis ay unti-unting dumarako sa industriya ng serbisyo. Halimbawa, ang naturang patakaran ay naghahatid ng benepisyo sa pinansya, edukasyon, turismo, teknolohiya ng impormasyon at iba pang larangan ng industriya ng serbisyo.
Bukod dito, ipinahayag rin ng ilang dalubhasa ng Malaysia na sa hinaharap, bababa ang proporsyon ng halaga ng produksyon ng agrikultura at industriya ng pagyari sa GDP ng Malaysia, at ang industriya ng serbisyo ay magiging pangunahing industriya ng kabuhayan ng bansang ito.
Salin:Sarah