Nitong nakalipas na dalawang linggo, magkakasunod na dinalaw ng mga lider ng Tsina na sina Pangulong Xi Jinping at Premyer Li Keqiang ang Indonesia, Malaysia, Brunei, Thailand, at Biyetnam. Magkahiwalay rin silang dumalo sa Summit ng Asia-Pacific Economic Cooperation (APEC), serye ng mga summit ng Silangang Asya, at halos sandaang bilateral at multilateral na aktibidad.
Ang naturang serye ng mga pagdalaw ay nagpapakita ng bagong kaisipan ng diplomasya ng Tsina. Sa kasalukuyan, nasa malalimang pagbabago at pagsasaayos ang kaayusan ng Asya-Pasipiko at buong mundo. Sa harap ng masalimuot na kalagayang ito, sa pamamagitan ng madalas na aksyong diplomatiko, iniharap ng mga lider na Tsino ang isang serye ng mga bagong ideyang diplomatiko at bagong plano para sa komong kaunlaran, bagay na naglatag ng matibay na pundasyon para sa "diamond decade" ng kooperasyong pangkaibigan ng Tsina at ASEAN sa susunod na sampung taon.
Sa kooperasyong pulitikal at panseguridad, iniharap ng mga lider na Tsino ang paglagda sa kasunduan sa kooperasyong pangkapitbansa at pangkaibigan, at aktibong iminungkahi ang bagong ideya ng komprehensibo, komon, at kooperatibong katiwasayan, bagay na nakatanggap ng papuri at aktibong pagtugon ng mga bansang ASEAN. Bukod dito, kukumpletuhin ng kapuwa panig ang mekanismo ng pulong ng mga ministrong pandepensa ng Tsina at ASEAN, at palalalimin ang kooperasyon sa larangan ng di-tradisyonal na katiwasayan na tulad ng pagpigil at pagliligtas sa likas na kapahamakan, seguridad sa Internet, pagbibigay-dagok sa transnasyonal na krimen, at magkakasamang pagpapatupad ng batas.
Sa isyu ng South China Sea naman, binigyang-diin ng kapuwa panig na magkasamang pangangalagaan nila ang kapayapaan at katatagan ng karagatang ito, igagarantiya ang kaligtasan sa dagat, at pangangalagaan ang kalayaan sa paglalayag. Sumang-ayon din silang batay sa pagsasanggunian, magsikap tungo sa pagkakaroon ng Code of Conduct for the South China Sea.
Marami rin ang mga tampok sa kooperasyong pangkabuhayan. Narating ng Tsina at ASEAN ang malawakang komong palagay sa mga aspektong gaya ng pagtatatag ng "China-ASEAN Community of Common Destiny," paglikha ng upgraded China ASEAN Free Trade Area (CAFTA), pagtatatag ng "Bangko ng Asya sa Pamumuhunan sa Imprastruktura," at pagpapasulong ng talastasan sa "rehiyonal na komprehensibong partnership na pangkabuhayan." Bilang pinakamalaking malayang sonang pangkalakalan ng mga umuunlad na bansa, matatamo ng CAFTA ang mas malaking pagsulong.