Sa panahon ng kanyang pagdalo kamakailan sa Ika-16 na Pulong ng mga Lider ng Tsina at ASEAN (10+1) sa Brunei, iniharap ni Premyer Li Keqiang ng Tsina ang mungkahi sa paglagda ng Tsina at mga bansang ASEAN sa isang kasunduang naglalayong palakasin ang kooperasyong pangkapitbansa at pangkaibigan. Ang naturang mungkahi ay nakatawag ng pansin ng iba't ibang panig. Ipinahayag ng mga dalubhasa na ang ganitong mungkahi ng panig Tsino ay naglalayong ipanatag ang loob ng mga kapitbansa, at ibayo pang palakasin ang pagtitiwalaan ng Tsina at ASEAN.
Ipinalalagay ni Qu Xing, Direktor ng China Institute of International Studies, na ang nasabing mungkahi ng panig Tsino ay reaksyon sa pagkabahala ng ASEAN, sa pagpapaunlad ng relasyon sa Tsina. Aniya,
"Sa isyu ng pagpapaunlad ng relasyon sa Tsina, may isang malaking pagkabahala ang ASEAN. Dahil malaki ang agwat ng Tsina at ASEAN sa puwersa, lumitaw ang iba't ibang problema sa kasaysayan, at nangingibabaw ang ilang alitang pandagat, kaya nag-aalangan ang mga bansang ASEAN kung tunay silang mapayapang makikipamuhayan at makikipagkaibigan sa Tsina o hindi. Iniharap ng Tsina ang mungkahi na lagdaan ang kasunduan hinggil sa kooperasyong pangkapitbansa at pangkaibigan. Ito ay naglalayong tiyakin ang pagtatatag ng bilateral na relasyong pangkapitbansa't pangkaibigan sa pamamagitan ng pormang pambatas, at isa-isang-tabi ang dahas bilang paraan sa paglutas sa mga alitan."
Sa tingin naman ni Zhang Xuegang, isa pang dalubhasa ng China Institute of International Studies sa isyu ng Timog Asya at Timog Silangang Asya, ang nabanggit na mungkahi ay nagpapakita ng bagong ideya ng Tsina sa kooperasyong pangkaibigan. Sinabi niya na,
"Sa anggulo ng katiwasayan, napakalaki ng papel ng ganitong kasunduan. Unang una, batay sa kasunduan sa kooperasyong pangkapitbansa at pangkaibigan, maaaring mas maayos at aktibong pasulungin ng Tsina at ASEAN ang pagsasanggunian hinggil sa Code of Conduct for the South China Sea. Ika-2, batay dito, mas mainam na mapapalalim at mapapalawak ang mga gawain sa susunod na hakbang, pagkaraang ipatupad ang Declaration on the Conduct of Parties in the South China Sea: na gaya ng paghanap ng mas maalwang kooperasyon sa mga di-sensitibong larangan, na tulad ng pangingisda, paghahanap at pagliligtas sa dagat, at iba pa. Gagawa rin ito ng papel sa pagpapatnubay ng magkakasamang pagharap sa ilang mainit at sensitibong isyung panrehiyon."