Bilang tugon sa ulat na nagsasabing nagsagawa ng pagmamanman sa Indonesiya ang Australya, kasama ng Estados Unidos, ipinahayag kamakailan ni Marty Natalegawa, Ministrong Panlabas ng Indonesiya na may posibilidad na muling isaalang-alang ng kanyang bansa ang kasunduan nila ng Australya hinggil sa pagbabahaginan ng impormasyon.
Pagkaraang maganap ang nasabing insidente ng pagmamanman, ipinatalastas ng Indonesiya ang paglahok nito sa talastasan, kasama ang Alemanya at Brazil, hinggil sa burador na resolusyon sa pangangalaga ng privacy at karapatang pantao na isusumite sa UN Human Rights Committee. Kasabay nito, ipinahayag din ng Pamahalaang Indones na pinagsisisihan nito ang pakikipagtulungan sa Australya.
Pero, pinabulaanan naman ni Julie Bishop, Ministrong Panlabas ng Australya ang kapinsalaan sa relasyon nila ng Indonesya na dulot ng nasabing insidente. Aniya, sa kanyang pakikipagtagpo kamakailan sa ilang dumadalaw na ministrong Indones, nagdaos sila ng mabungang talastasan at narating ang komong palagay hinggil sa paglaban sa terorismo at sa pagpupuslit ng tao.
Sapul nang maganap ang pambobomba noong 2002 sa Bali at ang pambobomba sa Embahada ng Australya sa Indonesya noong 2004, narating ng dalawang bansa ang serye ng mga kasunduan hinggil sa pagbabahaginan ng impormasyon.
Salin: Jade