Kamakailan, ang A.T. Kearney, kilalang consulting firm sa buong daigdig, at J. Walter Thompson, kilalang advertising agency sa buong daigdig, ay magkasamang nagpalabas ng isang ulat. Sinabi ng naturang ulat na ayon sa pananaliksik, ipinahayag ng 64% ng namamahalang tauhan ng mga bahay-kalakal ng ASEAN na kung matatapos ang ASEAN Economic Community, mabilis na papasok ang mga ito sa ibang pamilihan sa rehiyong ito. Kaya dapat itakda ng mga bahay-kalakal ng rehiyong ito ang bagong estratehiya para harapin ang mainit na kompetisyon pagkatapos ng pagtatatag ng ASEAN Economic Community. Ipinalalagay ng kinauukulang dalubhasa na bilang pinakamasusing hakbang ng ASEAN Community, matatag na isinasagawa ang konstruksyon ng ASEAN Economic Community. Pero, sa darating na 2 taon, nananatiling haharapin nito ang malaking hamon.
Ang target ng ASEAN ay tapusin ang konstruksyon ng ASEAN Economic Community sa 2015. Sa kasalukuyan, sa lahat ng hakbangin na itinakda ng ASEAN Economic Community Blue Print, tapos na ang 279 hakbangin. Kinansela ng 6 bansa na kinabibilangan ng Indonesiya, Singapore, Brunei, Thailand, Malaysia at Pilipinas ang 99.65% na taripa ng pag-aangkat ng mga paninda, at binaba ng Kambodya, Laos, Myanmar at Biyetnam ang 98.86% na taripa ng pag-aangkat ng paninda sa loob ng 5%. Sa kabuuan, ang rate ng pagtatapos ng mga hakbangin ng ASEAN Economic Community Blue Print ay umabot sa 79.9%.
Pero, sa harap ng di-matatag na pandaigdigang kapaligirang pangkabuhayan sa kasalukuyan, nananatiling kinakaharap ng konstruksyon ng ASEAN Economic Community ang mahigpit na hamon. Napakalaki ng agwat ng puwersang pangkabuhayan sa pagitan ng 10 miyembro ng ASEAN, di-balanse ang pag-unlad ng iba't ibang bansa, at ang naturang bagay ay pangunahing kahirapan para sa konstruksyon ng ASEAN Economic Community.
Bukod dito, ipinalalagay ng ilang kinauukulang dalubhasa ng ASEAN na ang pag-unlad ng Tsina ay nagkaloob ng mahalagang hamon at malawak na pamilihan para sa ASEAN. Ipinahayag nila na napakahalaga ang kooperasyon ng Tsina at ASEAN sa imprastruktura, pamumuhunan, kalakalan at iba pang laragan. Kaya, ang talastasan hinggil sa upgrading ng Malayang Zonang Pangkalakalan ng Tsina at ASEAN na iniharap ng Tsina ay mayroong positibong katuturan.
Salin:Sarah