Nakipagtagpo kahapon sa Hanoi si Nguyen Phu Trong, Pangkalahatang Kalihim ng Komite Sentral ng Partido Komunista ng Biyetnam sa delegasyon ng Partido Komunista ng Tsina na pinamumunuan ni Wang Jiarui, Pangalawang Tagapangulo ng Pulitikal na Konsultatibong Kapulungan ng mga Mamamayang Tsino (CPPCC).
Ipinaabot ni Nguyen Phu Trong kay Wang ang pangungumusta kay Pangulong Xi Jinping ng Tsina. Ipinahayag pa niyang lubos na pinahahalagahan ng Biyetnam ang pagpapaunlad ng relasyon ng Biyetnam at Tsina. Nakahanda aniya ang Biyetnam, kasama ng Tsina, na pasulungin ang kanilang tradisyonal na relasyong pangkaibigan sa bagong antas.
Ipinahayag naman ni Wang na palagiang pinakikitunguhan ng may estratehikong pananaw ng Tsina ang relasyong Sino-Biyetnames. Aniya, nakahanda ang Tsina na patuloy na panatilihin ang pakikipagdalawan sa Biyetnam sa mataas na antas, palakasin ang pagpapalitan ng mga karanasan hinggil sa pamamahala sa bansa, at palalimin ang pragmatikong kooperasyon, para mapasulong ang walang humpay na pag-unlad ng kanilang bilateral na relasyon.
Salin: Andrea