|
||||||||
|
||
Ang pagbisita kahapon ng umaga ni Punong Ministro Shinzo sa Yasukuni Shrine kung saan nakadambana ang mga class-A criminal noong World War II (WWII) ay nakatawag ng pagbatikos mula sa loob at labas ng Hapon.
Ipinatawag kahapon ng hapon ni Ministrong Panlabas Wang Yi ng Tsina ang Embahador ng Hapon sa Tsina na si Masato Kitera upang ihain ang matinding protesta at kondemnasyon. Binigyang-diin ng ministrong Tsino na ang isyu ng Yasukuni ay nagpapakita kung tumpak na pakikitunguhan at malalimang pagsisisihan ng Hapon ang kasaysayang mapanalakay nito.
Ipinahayag naman ni Yoo Jin- ryoung, Tagapagsalita ng Pamahalaan ng Timog Korea ang pagkapoot ng kanyang gobyerno at kondemnasyon sa ginawa ni Abe.
Ayon naman sa pahayag ng Embahada ng Amerika sa Hapon, ipinahayag naman ng Pamahalaang Amerikano ang pagkadismaya nito sa pagbibigay-galang sa Yasukuni ni Abe. Anang pahayag, ang ginawa ni Abe ay magpapatindi sa relasyon ng Hapon at mga kapitbansa nito. Umasa ang panig Amerikano na malulutas ng Hapon ang mga sensitibong isyu, kasama ng mga kapitbansang Asyano, sa pamamagitan ng konstruktibong pamamaraan.
Ipinahayag naman ni Alexander Lukashevich, Tagapagsalita ng Ministring Panlabas ng Rusya, na ang tumpak na pakikitungo sa isyung pangkasaysayan ay pundasyon para sa relasyon ng Hapon at mga bansang nabiktima ng militarismo ng Hapon.
Nagpalabas din kahapon ng pahayag ang samahan ng Malaysia sa pag-aaral ng kasaysayan ng Malaya noong WWII para batikusin ang pagbisita ni Abe sa Yasukuni. Ipinalagay ng samahan na ang ginawa ni Abe ay nagsisilbing insulto sa mga biktima ng pananalakay ng Hapon.
Binatikos din si Abe ng mga tauhan mula sa iba't ibang sangay ng Hapon. Ipinahayag ni Natsuo Yamaguchi, Puno ng New Komeito Party ng Hapon ang kanyang pagkalungkot sa pagbigay-galang ni Abe sa Yasukuni. Tinukoy naman ni Mitsuru Sakurai, isang opisyal ng Democratic Party ng Hapon na ang ginawa ni Abe ay tiyak na magdudulot ng negatibong epekto sa relasyon ng Hapon sa Tsina at sa Timog Korea. Sinabi naman ni Takahashi Tetsuya, Propesor ng University of Tokyo na ang pagbisita ni Abe sa Yasukuni ay magpapalala sa maigting na relasyon ng Hapon sa Tsina at sa Timog Korea.
Salin: Jade
| ||||
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |