Nagbigay-galang kahapon ang ilang miyembro ng Gabinete ng Hapon sa Yasukuni Shrine kung saan nakadambana ang mga World War II class-A criminal, bagay na nakatanggap ng matinding kondemnasyon ng opinyong pandaigdig. Unibersal na ipinalalagay ng opinyong pandaigdig na ang mga pananalita at kilos ng mga makakanang Hapones na nagpapabulaan at nagpapaganda sa krimeng pangkasaysayan ay hindi lamang hayagang probokasyon sa mga kapitbansang Asyano, kundi nakakapinsala rin sa damdamin ng mga mamamayan ng lahat ng mga nabiktimang bansa sa World War II.
Sinabi ng British Broadcasting Corporation o BBC na ang Yasukuni Shrine ay kumakatawan sa militarismo ng Hapon noong nakaraan. Ipinapagwalang-bahala at pinabubulaanan nito ang krimen ng Hapon sa mga kapitbansa na gaya ng Tsina at Timog Korea noong World War II.
Ayon naman sa artikulo kahapon sa front page ng website ng Italian news agency ANSA, pagkaraang manungkulan si Shinzo Abe bilang Punong Ministro ng Hapon, lagi niyang tinatanggihan ang pagkilala sa iba't ibang krimeng mapanalakay ng Hapon sa World War II. Higit sa lahat, sa kanyang talumpati sa Victory Over Japan Day kahapon, nasira niya ang tradisyong tumagal nang mahigit 20 taon, at hindi humingi ng paumanhin sa kapinsalaan at trahedya na dulot ng Hapon sa mga kapitbansang Asyano.
Nagpalabas kahapon ng komentaryo ang Xinhua News Agency ng Tsina na nagsasabing dapat magkakasamang hadlangan ng komunidad ng daigdig ang pagtahak ng pamahalaan ni Abe sa far-right na landas.
Salin: Vera