Ipinahayag kahapon ni Catherine Ashton, Mataas na Kinatawan sa Suliraning Panlabas at Panseguridad ng Unyong Europeo(EU), na kinumpirma ng Iran at mga bansang kinabibilangan ng Amerika, Rusya, Tsina, Pransya, Britanya at Alemanya na narating sa Geneva, Switzerland ang isang kasunduan hinggil sa paglutas sa isyung nuklear ng Iran. Sisimulan itong ipatupad sa ika-20 ng kasalukuyang buwan.
Ayon sa kasunduan, pansamantalang ititigil ng Iran ang bahagi ng urainium enrichment sa loob ng susunod na 6 na buwan. Samantala, ititigil naman ng 6 na bansa ang isinasagawang sangsyon laban sa Iran, sa larangang gaya ng kalakalan ng ginto, sasakyan de-motor, at mga produkto ng industriyang kemikal. Bukod dito, sinabi rin ni Ashton na ipagpapatuloy ng dalawang panig ang talastasan para ganap na malutas ang nasabing isyung nuklear sa hinaharap. Si Ashton ay Punong Kinatawan ng anim na bansa sa pakikipagtalastasan sa Iran.