Ipinahayag kahapon ni Cho Tae-young, Tagapagsalita ng Ministring Panlabas ng Timog Korea na hinding hindi makatwiran ang pangangatwiran ni Punong Ministro Shinzo Abe ng Hapon sa kanyang pagbisita sa Yasukuni Shrine kung saan nakadambana ang 14 na Class-A War Criminals noong World War II (WWII).
Sinabi kamakalawa ni Abe sa Davos Forum na kailangang ituring na natural lamang para sa isang lider ng bansa ang kanyang pagbigay-galang sa kaluluwa ng mga nasawi sa Yasukuni.
Ipinagdiinan ng tagapagsalitang Timog Koreano na ang pagbigay-galang ni Abe sa Yasukuni ay nagpapakitang hindi niya pinagsisisihan ang krimen ng militarismo ng Hapon na nagdulot ng kapinsalaan sa Timog Korea. Dagdag pa niya, magkasalungat ang pagbisita ni Abe sa Yasukuni at ang umano'y pinasusulong niyang pagkakaibigang Timog Koreano-Hapones.
Salin: Jade