Nagpadala ngayong araw ng mensahe sa isa't isa sina Pangulong Xi Jinping ng Tsina at Pangulong François Hollande ng Pransya bilang pambati sa ika-50 Anibersaryo ng Pagkakatatag ng Relasyong Diplomatiko ng dalawang bansa.
Tinukoy ni Xi na ang Tsina at Pransya ay kapwa pirmihang kasaping bansa ng UN Security Council. Aniya, sila ay mahalagang puwersa sa pagpapasulong ng multi-polarisasyon ng daigdig, globalisasyon ng kabuhayan, at demokratisasyon ng relasyong pandaigdig. Aniya pa, lubos na pinahahalagahan ng Tsina ang relasyong Sino-Pranses, at nakahandang magsikap ang Tsina, kasama ng Pransya, para samantalahin ang pagkakataong ito, upang mapasulong ang pagtahak sa bagong yugto ng relasyon ng dalawang bansa.
Ipinahayag naman ni Hollande na ang diwa ng pagsasarili, kasama ng paggalang sa isa't isa, pagpapahalaga sa soberanya at multilateralismo, ay batayan ng relasyon ng Pransya at Tsina. Umaasa aniya ang kanyang bansa na lalakas pa ang pakikipagkoordinahan sa Tsina sa mga isyung pandaigdig, magkasamang pangangalaga sa multi-polarisasyon ng daigdig, at magkasamang pagharap sa mga krisis at hamong pandaigdig, para mapasulong ang relasyon ng dalawang panig.
Salin: Andrea