Sa isang regular na preskon, ipinahayag ngayong araw dito sa Beijing ni Hua Chunying, Tagapagsalita ng Ministring Panlabas ng Tsina, na kailangang maging alerto ang komunidad ng daigdig sa pagtatangka ng makakanang puwersa ng Hapon na baliktarin ang kasaysayan.
Ipinahayag ni Hua ang nasabing paninindigan bilang tugon sa pagtatanggi ng miyembro ng NHK, Japan Broadcasting Corporation, sa Nanjing Massacre noong 1937. Tinukoy kamakailan ni Naoki Hyakuta, isang NHK board of governor, na hindi kailanman naganap ang Nanjing Massacre.
Ayon sa hatol ng Military Tribunal for the Far East, 300,000 sibilyan at disarmadong sundalong Tsino ang pinaslang ng tropang mapanalakay ng Hapon noong 1937 sa Nanjing, lunsod sa dakong silangang ng Tsina.
Tinukoy rin ng nasabing NHK director na ang paghulog ng bomba atomika ng tropang Amerikano sa Hiroshima at Nagasaki ay maikokonsidera ring pagpaslang. Ang pananalita niya ay pinabulaanan ng tagapagsalita ng Embahada ng Amerika sa Hapon. Hiniling din ng tagapagsalitang Amerikano sa mga may kinalamang tauhang Hapones na huwag magpahayag ng pananalita na magpapatindi ng kalagayan ng rehiyon.
Salin: Jade