SA pagtatapos ng Chinese New Year, sinabi ni Fr. Aristotle Dy, isang Jesuit missionary at director ng Xavier School na mahalaga rin ang Feng Shui subalit hindi nararapat itong makasagabal sa pananampalataya. Ito ang kanyang paksa sa Santuario de San Jose parish noong Sabado.
Ani Fr. Dy, ang Feng Shui ay isang sinaunang gawi ng mga Tsino na nag-aangkop ng kalagayan ng tao sa kanyang kapaligiran. Popular ito sa mga Chinese communities sa Pilipinas, Timog Silangang Asia at maging sa North America.
Mas interesado umano ang mga nasa labas ng Tsina kaysa mga naninirahan sa Mainland China matapos iwaksi ng liderato ng Cultural Revolution ang mga kinagawian noong manungkulan sila.
Si Fr. Dy ay mayroong advanced degree sa Buddhist studies at may dugong Tsino. Ipinagunita niya sa madla na magsuri bago magsagawa ng Feng Shui rituals. Karamihan umano sa gawaing ito ay halos maituturing na pamahiin at maaaring masira ang pananampalataya sa Diyos.