|
||||||||
|
||
Bilang tugon sa pananalita ng opisyal na Hapones sa talumpati ni pangulong Xi Jinping ng Tsina sa kanyang katatapos na biyahe sa Europa, muling hinimok ngayong araw ng Tsina ang Hapon na tumpak na pakitunguhan ang kasaysayan ng pananalakay ng militarismong Hapones noong noong World War II (WWII).
Sa kanyang talumpati sa Korber Foundation sa Alemanya noong katapusan ng Marso, nang mabanggit ang pananalakay ng militarismong Hapones sa Tsina, sinabi ni Pangulong Xi na ang pananalakay na nauwi sa mahigit 35 milyong kasuwalti ng mga Tsino ay nananatili pa ring napakasakit na alaala para sa sambayanang Tsino.
Ipinagdiinan ng pangulong Tsino na ipinakikita ng nasabing kasaysayan na kailangang iwasan ng komunidad ng daigdig na muling maganap ang katulad na trahedya. Kailangan din aniyang pangalagaan ang kapayapaan at katarungan ng sangkatauhan batay sa pagtanda sa aral na pangkasaysayan.
Kaugnay nito, sinabi naman ni Yoshihide Suga, Chief Cabinet Secretary ng Hapon, na hindi produktibo ang talumpati ng pangulong Tsino sa ikatlong bansa.
Sumalakay ang hukbong Hapones sa Tsina noong 1937. Noong ika-13 ng Disyembre, nang taong iyon, inilunsad ng militarismo ng Hapon ang Nanjing Massacre kung saan mahigit 300 libong sibilyan at sundalong Tsino ang napatay sa loob ng apatnapung (40) araw.
Noong Enero, 1946, naitatag ng labing-isang bansa ang International Military Tribunal for the Far East para litisin ang kaso na may kinalaman sa Nanjing Massacre. Ayon sa hatol ng Tribunal, sa unang anim na linggo ng pananalakay ng hukbong Hapones sa Nanjing, mahigit 200 libong sibilyan at sundalong Tsino ang napatay. Ang bilang na ito ay hindi kabilang sa mga bangkay na sinunog o itinapon sa ilog ng mga mananalakay na Hapones. Ayon naman sa pagsusuri ng Nanjing Military Tribunal, lumampas sa 300 libo ang kabuuang bilang ng mga sibilyan at sundalong Tsino na binaril o inilibing nang buhay.
Nitong nagdaang Pebrero, pinagtibay ng Pambansang Kongresong Bayan (NPC), punong lehislatura ng Tsina na itakda ang Ika-3 ng Setyempre bilang "Araw ng Tagumpay ng Digmaan ng mga Mamamayang Tsino laban sa Pananalakay ng Hapon" at ang Ika-13 ng Disyembre bilang "Pambansang Araw na Memoryal para sa mga Biktima ng Nanjing Massacre."
Ang layunin ng pagtatakda ng nasabing mga anibersaryo ay para maalaala ng mga Tsino ang kasaysayan at pahalagaan ang kapayapaan.
Salin: Jade
| ||||
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |