"Pitong bapor ng Tsina ang kasalukuyang nagsasagawa ng paghahanap sa Southern Indian Ocean. Hinding hindi namin itatakwil ang pagsisikap para rito." Ito ang ipinahayag kahapon ni Hong Lei, Tagapagalita ng Ministring Panlabas ng Tsina bilang tugon sa search operation sa nawawalang eroplano ng Malaysia Airlines.
Inilahad din ni Hong ang pag-uusap nina Premyer Li Keqiang ng Tsina at Punong Ministro Tony Abbott ng Australia sa telepono, kahapon. Ipinaabot ni Abbott ang kanyang taos-pusong pakikiramay sa mga pamilya ng mga Tsinong pasahero ng Flight MH370 at inilahad din niya ang kalagayan at mungkahi hinggil sa search operation. Ipinarating din ni Li ang pakikiramay sa mga pamilya ng anim na pasaherong Australian sa naturang eroplano. Positibo rin siya sa pagsisikap ng Australia sa paghahanap. Sinabi ni Li na mga bapor at eroplano ng Tsina ang kasalukuyang nagsasabalikat ng gawain ng paghahanap sa mga labi ng nawawalang eroplano sa Southern Indian Ocean, samantalang ilampung barkong komersyal at pangisda ng Tsina na dumaraan sa naturang karagatan ang tumutulong din sa gawain ng paghahanap.
Sinabi ni Hong Lei na ipagpapatuloy ng Tsina ang pakikipagtulungan at pakikipagpalitan sa mga may kinalamang bansang kinabibilangan ng Australia at Malaysia para sa gawain ng paghahanap at imbestigasyon.