Ipinagdiinan kahapon ni Hua Chunying, Tagapagsalita ng Ministring Panlabas ng Tsina, na upang mapasulong ang disarmamentong nuklear, kailangang panatilihin ng komunidad ng daigdig ang pandaigdig na balanse at katatagan. Para rito, kailangang itakwil ng mga may kinalamang bansa ang nuclear umbrella, nuclear sharing at mga may kinalamang patakaran.
Ang nuclear umbrella ay tumutukoy sa garantiya kung saan ibinibigay ng isang bansang nag-aangkin ng sandatang nuklear ang depensa sa kaalyadong walang sandatang nuklear.
Ipinahayag ni Hua ang nasabing paninindigan bilang tugon sa katatapos na Pulong ng Non-Proliferation at Disarmament Initiative sa Hiroshima nitong nagdaang weekend. Naiulat na ipinalabas ng nasabing pulong ang deklarasyon na humihiling sa lahat ng mga bansang nuklear na gaya ng Amerika, Rusya at Tsina na pasulungin ang pagbabawas ng armamento sa pamamagitan ng multilateral na balangkas.
Inulit ni Hua na palagiang naninindigan ang Tsina sa lubos na pagbabawal at pagwawasak ng mga sandatang nuklear. Aniya pa, nananangan din ang Tsina sa patakaran na hindi mauunang gumamit ng mga sandatang nuklear, patakaran ng hindi paggamit o pagbabanta ng paggamit ng mga sandatang nuklear laban sa mga bansa o rehiyong walang sandatang nuklear. Idinagdag ng tagapagsalitang Tsino na hindi rin nagdideploy ang Tsina ng mga sandatang nuklear sa labas ng bansa.
Salin: Jade