Sa Perth, Australia—ayon sa pinakahuling ulat kahapon ng Joint Agency Coordination Center (JACC), halos 50% ng focused underwater area ang nagalugad na ng Bluefin-21 sa Indian Ocean, pero, wala itong natuklasang bagay na may kaugnayan sa nawawalang Flight MH370 ng Malaysia Airlines.
Ipinasiya ng JACC na gamitin ang Bluefin-21 bilang underwater vehicle para sa paghahanap noong ika-14 ng buwang ito makaraan ang anim na araw na bigong paghananap sa pinaghihinalaang signal na galing sa nawawalang eroplano.
Kasabay nito, patuloy na nakikipagtulungan sa Australia, bansang tagapagkoordina sa misyon ng magkakasamang paghahanap ang ibang mga bansa na kinabibilangan ng Tsina. Natapos kahapon ng mga bapor na Tsino ang misyon ng paghahanap na sumasaklaw sa mahigit 20,000 kilometro kuwadrado.
Ang Boeing 777-200 aircraft ay lumisan ng Kuala Lumpur International Airport alas-dose kuwarenta'y uno (12:41) ng hatinggabi noong ika-8 ng nagdaang Marso (Beijing time). Nakaiskedyul itong dumating ng Beijing alas-6:30 ng umaga nang araw ring iyon.
Pagkaraan ng halos dalawang oras na paglipad, nawalan ito ng kontak sa air traffic control.
Isang daa't limampu't apat (154) sa dalawang daa't tatlumpu't siyam (239) na pasahero ng nawawalang eroplano ay mga mamamayang Tsino.
Salin: Jade