Binigyang-diin kahapon ni Ye Htut, Tagapagsalita ng Pangulo ng Myanmar, na patuloy na igigiit ng kanyang bansa ang limang prinsipyo ng mapayapang pakikipamuhayan para pasulungin ang kapayapaan at katatagan ng daigdig.
Ang limang prinsipyo ng mapayapang pakikipamuhayan ay hinggil sa pandaigdigang relasyon na magkasamang isinusulong ng Myanmar, Tsina at India mula pa noong nakaraang 60 taon. Ito ay kinabibilangan ng paggalang sa kabuuan ng teritoryo at soberanya ng isa't isa, di-pagsasalakayan, di-pakikialam sa mga suliraning panloob, pagkakapantay-pantay na may-mutuwal na kapakinabangan, at mapayapang pakikipamuhayan.
Nang araw ring iyon, ipinatalastas ng pamahalaan ng Myanmar na sa paanyaya ni Pangulong Xi Jinping ng Tsina, isasagawa ni Pangulong Thein Sein ang dalaw-pang-estado sa Tsina mula ika-27 hanggang ika-30 ng buwang ito. Habang nasa Tsina, dadalo rin si Thein Sein sa aktibidad bilang pagdiriwang sa ika-60 anibersaryo ng pagkakapatalastas ng limang prinsipyo.
Salin: Ernest