"Dapat totohanang ipatupad ng Amerika ang konklusyon ng WTO at ganap nitong iwasto ang pang-aabuso sa trade-remedy measures." Ito ang ipinahayag kahapon ni Gao Hucheng, Ministro ng Komersyo ng Tsina bilang tugon sa kasong paghahamon ng Tsina laban sa countervailing duty measures ng Amerika sa mga produktong nagmumula sa Tsina.
Sa dalawang panel report na isinapubliko kamakailan ng WTO, naninindigan itong labag sa regulasyon ng WTO ang ginagawang countervailing duty measures ng Amerika laban sa mga produkto mula sa Tsina.
Sinabi ni Gao na ang pang-aabuso ng Amerika sa trade remedy measures ay malubhang lumalapastangan sa interes ng mga bahay-kalakal na Tsino. Aniya, hindi makakapaghalukipkip ang pamahalaang Tsino sa mga ito, at buong sikap itong magsisikap para mapangalagaan ang katatagan ng multilateral na sistemang pangkalakalan ng daigdig. Sinabi niyang may responsibilidad ang Amerika na pangangalagaan ang naturang sistema, sa halip na magsagawa ng trade protectionism.
Aniya, ang matatag at malusog na pagtutulungang pangkalakalan ng Tsina at Amerika ay nagsisilbing batayan sa pagpapasulong ng relasyong Sino-Amerikano, at kailangan itong magkasamang mapangalagaan ng dalawang panig. Umaasa aniya siyang gagawa ang Amerika ng mga bagay-bagay na makakatulong sa pagtutulungang pangkabuhayan at pangkalakalan ng dalawang bansa.