|
||||||||
|
||
Sa ngalan ng pamahalaang Tsino, ipinahayag kahapon ni Wang Yi, Ministrong Panlabas ng Tsina ang pagtanggap sa resolusyon ng UN Security Council (UNSC) hinggil sa pagbagsak ng Flight MH17 ng Malaysia Airlines.
Sinabi ni Wang na 298 buhay ang nawala sa isang iglap at hindi dapat maulit ang ganitong trahediya. Naninindigan aniya ang Tsina na kailangang magsagawa ang International Civil Aviation Organization (ICAO) ng nagsasarili, makatwiran at obdyektibong imbestigasyon para malaman ang katotohanan at para na rin sa ikatatahimik ng kaluluwa ng mga nasawi.
Ipinagdiinan din ng ministrong Tsino na ang ICAO ang kailangang gumanap ng pinakapangunahing papel sa imbestigasyon. Idinagdag pa niyang ang pinakapriyoridad sa kasalukuyan ay ang pagpapatupad sa nasabing resolusyon, lalo na ang pagbibigay-ginhawa sa pagpasok ng mga imbestigador sa lugar ng insidente. Bago lumabas ang resulta, kailangang iwasan aniya ng iba't ibang panig ang paghula o pag-po-politicize ng isyu.
Sinabi rin ni Wang na ipinakita rin ng trahediya na ang paglutas sa krisis sa Ukraine ay nagsisilbing pundasyon para pangalagaan ang katatagan at kapayapaan ng rehiyon. Kaya, muli hiniling ng Tsina sa mga may kinalamang panig na itigil ang putukan at marating ang pangmatagalan, komprehensibo at balanseng kalutasang pulitikal.
Bumagsak ang MH17 sa dakong silangan ng Ukraine sa hanggahan ng Rusya nitong nagdaang Huwebes habang lumilipad mula sa Amsterdam, Netherlands patungong Kuala Lumpur, Malaysia.
Namatay ang lahat ng 283 pasahero at 15 tripulanteng sakay ng eroplano. Tatlong Pinoy ang kabilang sa listahan ng mga nasawi.
Salin: Jade
| ||||
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |