Sa Nanjing, Tsina — Sa kanyang pakikipagtagpo kahapon kay Pangulong Thomas Bach ng International Olympic Committee (IOC), tinukoy ni Pangulong Xi Jinping ng Tsina na ang Summer Youth Olympic Games (YOG) ay isang inobasyon, at pinag-isa nito ang palakasan at edukasyong pangkultura. Ito aniya ay hindi lamang isang arena ng mga bata mula sa iba't-ibang bansa ng daigdig, kundi isa ring plataporma para sa kanilang pagpapalitan. Nakakapagbigay aniya ang YOG ng malaking ambag para sa malawakang pagpapalaganap ng diwa ng Olimpiyada, at pagpapalalim ng pag-uunawaan at pagkakaibigan ng mga kabataan sa buong daigdig.
Dagdag ng Pangulong Tsino, lubos na pinahahalagahan ng panig Tsino ang gawain ng paghahanda para sa YOG. Dagdag pa ni Xi, ang Tsina ay nagbigay ng puspusang paggarantiya at pagkatig sa olimpiyadang ito sa iba't-ibang aspekto.
Ipinahayag naman ni Bach na nagsisikap ang IOC para mapalaganap ang diwa ng Olimpiyada sa buong daigdig, at mapasulong ang mapayapa at sustenableng pag-unlad ng daigdig sa pamamagitan ng palakasan. Aniya pa, lubos na pinapupurihan ng IOC ang pakikipagkooperasyon ng panig Tsino, at hinahangaan niya ang pagpapahalaga ng Tsina sa pagpapaunlad ng usaping pampalakasan, at ang ginagawang ambag nito para sa International Olympic Movement.