|
||||||||
|
||
JARKARTA, Xinhua--Ipinahayag kamakailan ni Danny Lee, Direktor ng ASEAN Community Affairs Development na mainit na tinatanggap ng mga bansang ASEAN ang mungkahi ng Tsina sa pagtatatag ng Maritime Silk Road para sa ika-21 siglo. Umaasa aniya siyang mapapahigpit ng dalawang panig ang kanilang pagtutulungan para maisakatuparan ang nasabing hangarin.
Winika ito ni Lee sa isang eksklusibong panayam sa Xinhua, opisyal na news agency ng Tsina.
Ang mungkahi ng pagtatatag ng Maritime Silk Road ay iniharap ni Pangulong Xi Jinping ng Tsina sa kanyang biyahe sa Indonesya noong Oktubre, 2013. Ani Xi, ang layunin nito ay para mapalalim ang pag-uugnayang pangkabuhayan at pandagat ng mga bansa sa kahabaan ng Silk Road na ito.
Ayon sa isang bersyon ng nasabing blueprint, magmumula ang Maritime Silk Road sa Fuzhou, punong lunsod ng lalawigang Fujian sa timog-silangan ng Tsina, patimog sa teritoryo ng mga bansang ASEAN. Mula sa Malacca Strait, pakanluran ang Maritime Silk Road sa mga bansa sa baybayin ng Indian Ocean. Pagkatapos, makikipag-ugnayan ito sa land-based Silk Road sa Venice sa pamamagitan ng Red Sea at Mediterranean.
Sinabi ni Lee, isang Singaporean na nagsimula nang magtrabaho sa ASEAN Secretariat noog 2011, na may pundasyong pangkasaysayan at pangkasalukuyan para sa pagtutulungan ng Tsina at ASEAN sa ilalim ng balangkas ng Maritime Silk Road.
Tinukoy niyang 600 taon ang nakaraan, naitatag na ng Tsina at ASEAN ang mabuting pagtutulungang pangkalakalan, at isa sa mga halimbawa ay ang dakilang biyahe ni admiral Zheng He sa Timog-silangang Asya.
Aniya pa, sa kasalukuyan, ang ASEAN ay ang ikatlong pinakamalaking trade partner ng Tsina, at lampas sa 400 bilyong dolyares ang halaga ng taunang kalakalan ng dalawang panig. Karamihan sa kalakalan ng dalawang panig ay naisasakatuparan sa pagdaan ng karagatan.
Idinagdag pa ni Lee, dating editor ng Channel NewsAsia TV ng Singapore, na mayaman ang karanasan ng Tsina sa konstruksyon ng imprastruktura. Samantala, ang mga imprastruktura ng ASEAN, lalung lalo na ang mga daungan ay kakailanganing i-upgrade.
Sinabi rin ni Lee na ang Maritime Silk Road ay magpapasulong din ng people-to- people contact ng Tsina at mga bansang ASEAN.
Salin: Jade
| ||||
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |