Ipinahayag kahapon ni Hong Lei, Tagapagsalita ng Ministring Panlabas ng Tsina, ang pag-asang mapapasulong ng Ika-11 China-ASEAN Expo o CAEXPO na idinaraos mula ngayon hanggang ika-19 ng buwang ito ang magkasamang pag-unlad ng Tsina't ASEAN.
Lalahok sa seremonya ng pagbubukas ang mga lider na Tsino at ASEAN na kinabibilangan nina Pangalawang Premyer Zhang Gaoli ng Tsina, Punong Ministro Lee Hsien Loong ng Singapore, Punong Ministro Hun Sen ng Cambodia, Pangalawang Punong Ministro Boungnang Vorachith ng Laos, Pangalawang Pangulong Nyan Tun ng Myanmar, Pangalawang Punong Ministro Tanasak Patimapragorn ng Thailand, Pangalawang Punong Ministro Pham Binh Minh ng Biyetnam.
Ipinahayag ng tagapagsalitang Tsino na ang CAEXPO ay taunang maringal na pagtitipun-tipon ng Tsina at mga bansang ASEAN.
Idinagdag pa niya na nitong nagdaang 10 taon, sa pagpapatupad ng kanilang estratehikong partnership, naitatag ng dalawang panig ang CAFTA, pinakamalaking malayang sonang pangkalakalan sa pagitan ng mga umuunlad na bansa. Pagkaraan ng 10 Ginintuang Taong pag-unlad, sinimulan na ng Tsina at ASEAN ang kanilang Diamond Decade para sa magkasamang paglago.
Ipinagdiinan din niyang tulad ng dati, patuloy na magsisikap ang Tsina para mapasulong ang estratehikong partnership ng dalawang panig sa iba't ibang larangan.
Salin: Jade