DALAWANG batalyon ang idadagdag sa seguridad ni Pope Francis sa Enero 2015. Ito ang laman ng kautusan ni General Gregorio Pio Catapang, Jr., Chief of Staff ng Armed Forces of the Philippines sa 7th at 8th Philippine Contingent to the Golan Heights ng Peacekeeping Operations Center.
Suspendido ang pagpapadala ng mga peacekeeper sa Golan Heights, Syria matapos ang sigalot na naganap noong nakalipas na buwan. Ang dalawang batalyon ang siyang idaragdag sa mga tauhan ng Philippine National Police sa pagbabantay kay Pope Francis.
Isasailalim sa operational control ng Philippine National Police ang dalawang batalyon. Inaasahang magmumula sa iba't ibang sektor ng lipunan ang mga dadalo sa mga okasyon sa pagdalaw ni Pope Francis.
Malaki rin umanong bagay ang karanasan ng mga kawal sa Golan Heights ang magiging bahagi ng kanilang paglilingkod sa napipintong pagdalaw ni Pope Francis.