|
||||||||
|
||
Ni Wang Honggang*
Masasabing masigla ang pakikipag-diyalogong diplomatiko ng kasalukuyang liderato na pinamumunuan ni Pangulong Xi Jinping ng Tsina. Ang mga katangian ng mga isinasagawang patakarang diplomatiko ng Tsina ay ang mga sumusunod:
Una, lumalalim ang pakikipag-ugnayang pulitikal ng Tsina sa iba pang mga bansa.
Sa loob ng isa at kalahating taon, sapul nang manungkulan si Pangulong Xi noong Marso 2013, sampung pagdalaw ang isinagawa niya: dalawampu't walong bansa sa Asya, Aprika, Europa, Hilagang Amerika at Timog Amerika ang binisita ni Xi.
Sa pamamagitan ng mga pagbisitang ito, napasulong ang relasyong Sino-Amerikano, relasyong Sino-Ruso at relasyong Sino-Europeo. Bilang puno ng estado ng umuunlad na bansa na may pinakamalaking populasyon, ang nasabing mga pagdalaw ay nakapagpasulong din ng pakikipag-ugnayan ng Tsina sa mga kapuwa umuunlad na bansa, lalung lalo na mga kapitbansang Asyano, mga bansang Aprikano at Latin Amerikano.
Sa pamamagitan ng mga bagong patakarang panlabas, isinusulong ang pagtutulungang pangkabuhayan ng Tsina at mga bansang dayuhan.
Halimbawa, iminungkahi ni Pangulong Xi ang pagtatatag ng Silk Road Economic Belt, at Maritime Silk Road para sa Ika-21 Siglo, para mapasulong ang komong pag-unlad ng Tsina at mga kapitbansa. Iminungkahi rin ng Tsina ang pagtatatag ng Asian Infrastructure Investment Bank para mabigyan ng tulong na pinansyal ang mga kapitbansang Asyano para sa kaunlaran.
Sa aspektong pangkaligtasan, iminungkahi ni Pangulong Xi ang bagong konseptong panseguridad sa Asya na nagtatampok sa pagiging sustenable, magkakasama, komprehensibo at kooperatibo.
Kasabay nito, nananangan pa rin ang Tsina sa landas ng mapayapang pag-unlad. Pinapasulong ng Tsina ang multipolarisasyon ng daigdig para mapigil ang hegemonya.
Bukod dito, aktibo rin ang Tsina sa paglutas sa mga isyung pandaigdig na gaya ng pagbabago ng klima, pangangasiwa sa cyberspace, paggagalugad sa karagatan, paggagalugad sa kalawakan, para mapasulong ang pagtatatag ng mas makatwirang pandaigdig na kaayusang pampulitika at pangkabuhayan.
Sa pamamagitan ng nasabing mga pagsisikap, umaasa ang kasalukuyang liderato ng Tsina na mapapasulong ang pag-uunawaan at pagkakatigan ng iba't ibang bansa, para maitatag ang mas matatag, mas masagana at mas maharmonyang mundo.
*Ang manunulat ay dalubhasa ng China Institutes of Contemporary International Relations (CICIR)
| ||||
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |