|
||||||||
|
||
Potensyal ng Pilipinas sa IT-Business Processing, malaki
INFORMATION TECHNOLOGY AT BUSINESS PROCESS OUTSOURCING, NAGKAROON NA NG ISANG MILYONG KAWANI. Sinabi ni G. Jose Mari Mercado, pangulo at chief executive officer ng IT-BPAP na umabot na sa 1 milyon ang kanilang nabigyan ng hanapbuhay. Sa isang press briefing, sinabi niyang layunin nilang mapatatag pa ang tayo ng Pilipinas sa IT at BPO industry. Maraming hamong kinakaharap subalit ang lahat ng ito'y matutugunan, dagdag pa ni G. Mercado. (Melo M. Acuna)
NANINIWALA ang mga bumubuo ng Information Technology & Business Process Association of the Philippines na malaki ang kinabukasan ng industrya para sa ekonomiya ng bansa.
Sa idinaos na press briefing sa taunang pagpupulong IT-BPAP sa Makati Shangri-La, sinabi ni G. Jose Mari Mercado na higit na sa isang milyong mga manggagawa ang natanggap ng kanilang industriya at natutugunan ang mga isyung may kinalaman sa information technology.
May temang "Drive Change; Shape the Future, ang pagtitipon ang nagbibigay-pansin sa mga kailangang gawin upang higit na mapatibay ang katayuan ng Pilipinas sa larangan ng business process outsourcing. Layunin nilang makalikom at makapag-ambag sa ekonomiya ng bansa ng aabot sa US$ 18 bilyon sa susunod na ilang taon.
Ang karamihan ng mga kabataan at iba pang napasok sa trabaho ay nagpapakita lamang ng lawak ng pagkukunan ng mga manggagawang may sapat na kakayahan.
Layunin nilang maipagpatuloy ang trend na ito.
Sa panig ni Ginoong Monchito B. Ibrahim, deputy executive director for Industry Development ng Department of Science and Technology – ICT Office, ginagawa ng pamahalaan ang lahat at hindi lang ang pagpapaunlad ng ecosystem sa larangan ng ICT capabilities sapagkat layunin niyang madagdagan pa ang matatanggap sa sektor na ito.
Binanggit niyang unti-unti nang tumataas ang bilang ng mga nakakapasa sa pagsusuri ng mga kumpanya. Noon ay halos lima lamang sa bawat 100 mga aplikante ang natatanggap. Ayon kay G. Ibrahim, ngayon ay halos 10 katao na ang nakakapasok sa industriya.
Idinagdag naman ni Danilo Sebastian Reyes, Chairman ng Information Technology and Business Process Association of the Philippines at Country manager ng Genpact Services LLC-Philippines Branch, nagsagawa sila ng mga pagsasanay sa Ifugao at isa pang lalawigan at halos 80% ng kanilang nasanay ang natanggap sa trabaho.
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |