|
||||||||
|
||
Paghahanda, mahalaga upang makaligtas ang mga mamamayan; Albay, isang magandang halimbawa
PAGHAHANDA, SOLUSYON SA KAPAHAMAKAN. Pinuyi ni Dr. Ancha Srinivasan, isang Principal Climate Change Specialist ng Southeast Asia Department ng Asian Development Bank ang "Zero Casualty" program ni Albay Governor Jose Sarte Salceda. Nararapat lamang umanong tularan ang programang ito kasabay ng paglalaan ng 5% ng kita ng lalawigan sa anumang pangangailangan sa oras na magkaroon ng trahedya. (Melo M. Acuna)
IBAYONG paghahanda ang kailangan upang maiwasan ang pagkasawi at pagkakasugat ng mga mamamayan sa mga pook na madalas dalawin ng masasamang panahon tulad ng mga bagyo at daluyong, pagguho ng lupa at iba pa.
Ito ang sinabi ni Dr. Ancha Srinivasan, Principal Climate Change Specialist ng Southeast Asia Department ng Asian Development Bank sa isang exclusive interview.
Ayon kay Dr. Srinivasan, bagama't hindi nakapag-aambag ang Pilipinas ng mapanganib na usok sa kalangitan, nagkaroon din ng matinding kawalan ng kagubatan dahil sa legal at illegal na pagkakahoy.
Isang halimbawa umano ang Upper Marikina area na tinitirhan ng mga mamamayan na nabubuhay sa pagkakahoy. Sa pagkawala ng mga kahoy, nagaganap ang pagguho ng lupa sa bawat malakas na pag-ulan. Sa mga pook na ito matatagpuan ang mga mamamayang mula sa ibang rehiyong nagtatangkang magkaroon ng trabaho sa Kamaynilaan.
Ipinaliwanag niya na sa kawalan ng maayos na tahanan, naninirahan ang mga migrante mula sa mga lalawigan sa dalisdis ng kabundukan. Dito, aniya, papasok ang kahalagahan ng "land use planning."
Mahalaga umano ang paghahanda sapagkat mayroong 20 hanggang 22 mga bagyo ang dumaraan sa Pilipinas taon-taon dahilan sa pagtaas ng temperature mula sa karagatan. May posibilidad na hindi na madagdagan ang bilang ng mga bagyo subalit malaki ang posibilidad na higit na tumindi ang lakas ng hangin at ulang maidudulot ng mga bagyong mula sa Dagat Pasipiko.
Kailangan ang paghahanda ng mga komunidad, ng mga institusyon at pamahalaan at magdisenyo ng mga mekanismo upang makaligtas ang mga mamamayan sa kapahamakan.
Inihalimbawa ni Dr. Srinivasan ang ginawa at sinimulan ng Pamahalaang Panglalawigan ng Albay sa ilalim ni Gobernador Jose Sarte Salceda. Magandang palatuntunan at mithi ang pagkakaroon ng "Zero Casualty" sa lahat ng mga trahedya. Naglaan na rin ng 5% ng kita ng lalawigan para sa pagtugon sa pangangailangan ng mga biktima.
Sa oras na walang trahedyang tumama sa Albay, ani Dr. Srinivasan, ang 5% nakalaan ay ililipat sa budget ng susunod na taon hanggang sa lumaki ng tuluyan ang salaping inilaan para sa mga trahedya.
Nararapat lamang umanong gawin ang ganitong palatuntunan sa iba pang bahagi ng daigdig upang matiyak na may magagamit sa salaping daragdagan na lamang ng pamahalaang pambansa.
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |