Kaugnay ng katatapos na Ika-apat na Sesyong Plenaryo ng Ika-18 Komite Sentral ng naghaharing Partido Komunista ng Tsina (CPC), isang komentaryo ang ipinalabas ngayong araw ng People's Daily, pahayagan ng CPC na may pinakamalaking sirkulasyon sa Tsina.
Ayon dito, sa kapipinid na Sesyon, ang Desisyon ng Komite Sentral ng CPC hinggil sa mga Pangunahing Isyung May Kinalaman sa Komprehensibong Pagpapasulong ng Pangangasiwa ng Bansa ayon sa Batas ay pinagtibay.
Tinukoy ng Komentaryo na mababasa sa Desisyon ang mga pangunahing problema sa larangang pambatas ng bansa. Makikita rin sa Desisyon ang panlahat na pakay at saligang pamantayan sa pangangasiwa sa bansa ayon sa batas. Tumutugon din ito sa mga malasakit ng mga mamamayang Tsino hinggil sa lehislatura sa paraang siyentipiko, pagpapahigpit sa pagpapatupad sa mga batas, hudisyang may katarungan at pagtalima sa mga batas ng sambayanan.
Anito pa, ipinakita ng Sesyon at Desiyon, na buong tatag na patuloy na tatahak ang Tsina sa sosyalistang landas ng pangangasiwa sa bansa ayon sa batas na may katangiang Tsino, at pagpapauna sa pagtatatag ng sosyalistang sistemang pambatas para mapasulong ang modernisasyon ng pangangasiwa sa bansa, ayon sa batas.
Salin: Jade