NAY PYI TAW, Myanmar—Idinaos kahapon ng hapon ang Ika-17 Pulong ng mga Lider ng ASEAN, Tsina, Hapon at Timog Korea (10+3). Nangulo sa pulong si Pangulong Thein Sein ng Myanmar, bansang tagapangulo ng ASEAN.
Sa kanyang talumpati sa pulong, sinabi ni Premyer Li Keqiang ng Tsina na ang pagtutulungan ng 10+3 ay nagpapasulong ng integrasyon ng Silangang Asya. Nanawagan siya sa mga kalahok na lider na patuloy na magsikap para magtungo sa target ng pagtatatag ng East Asia Community. Upang mapasulong ang mga pragmatikong pagtutulungan ng 10+3, iniharap ni Premyer Li ang anim na mungkahi. Una, pasulungin ang proseso ng integrasyon ng Silangang Asya. Ikalawa, pataasin ang antas ng pagtutulungang pinansyal ng rehiyon. Ikatlo, pahigpitin ang pag-uugnayan ng rehiyon sa lupa, himpapawid at dagat. Ika-apat, palalimin ang pagtutulungan na may kinalaman sa pamumuhay ng mga mamamayan at paunahin ang kooperasyon sa pagpapahupa ng kahirapan. Ikalima, palawakin ang pagpapalitang pangkultura at di-pampamahalaan. Ikaanim, palakasin ang pagtutulungan sa larangan ng kalusugang pampubliko.
Ipinagdiinan ng mga kalahok na lider ang kahalagahan ng pagpapasulong ng integrasyon ng rehiyon, pagpapabuti ng pamumuhay ng mga mamamayan, pagpapasulong ng pagtatatag ng East Asia Community at ibayo pang pangangalaga sa kapayapaan at kasaganaan ng rehiyon.
Salin: Jade